Hustisya sa ‘Gerry Ortega slay’ makakamit – DOJ

Hustisya sa ‘Gerry Ortega slay’ makakamit – DOJ

April 27, 2022 @ 6:45 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Umapela ang Department of Justice sa Supreme Court na bawiin nito ang inisyu na temporary restraining order na humaharang sa pag-aresto kay dating Palawan governor Mario Joel Reyes, ang pangunahing akusado sa pagpaslang sa environmentalist at broadcaster na si Dr. Gerry Ortega noong 2011.

Sa text message sa media, sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na kumpiyansa siya na mananaig pa rin ang hustisya sa kabila ng inilabas na TRO ng Korte Suprema.

Magugunita na nahinto ang paglilitis sa kasong pagpatay sa broadcaster dahil sa inisyu na tro ng SC.

Naniniwala aniya ang DOJ sa pagiging patas ng pinakamataas na hukuman ng bansa.

Sinabi ni Guevarra na naisumite na ng Office of the Solicitor General ang kanilang motion for reconsideration sa Supreme Court.

“ Let’s leave it at that, lest we tread on sub judice grounds,” ani Guevarra.

Una nang naglabas ng desisyon ang Supreme Court Second Division noong March 23, 2022 kung saan pinagbigyan ang motion for reconsideration ni Reyes na buhayin muli ang kaniyang petition for review on certiorari. Inatasan rin ang respondent DOJ sa pamagitan ng Office of the Solicitor General na maghain ng komento sa loob ng sampung araw.

Naglabas din ang SC ng TRO na pumipigil sa Puerto Princesa RTC sa paglabas ng warrant of arrest laban kay Reyes. Hindi rin maari I tuloy ang paglilitis sa kasong kriminal habang nakabinbin ang resolusyon sa apela ni Reyes. Teresa Tavares