Hustisya sa ginahasang OFW tiniyak ni Bello

Hustisya sa ginahasang OFW tiniyak ni Bello

July 6, 2021 @ 12:55 PM 1 year ago


MANILA, Philippines – Nangako si Labor Secretary Silvestre Bello III na bibigyan ng hustisya ang isang Pilipinong manggagawa sa ibang bansa na ginahasa ng kanyang foreign recruiter at inabuso ng kanyang amo sa Saudi Arabia.

Ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) at ang  Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Riyadh  ay inatasan na ng kalihim na pangunahan ang nararapat na legal na hakbang laban sa suspek at magpataw ng administrative  penalties sa local recruitment agency na nagpadala sa biktima sa ibang bansa.

Ang nasabing OFW ay ginahasa umano ng may-ari ng foreign recruitment agency (FDA) at minolestya ng isa sa kanyang employer bago siya na-repatriate kamakailan.

Inatasan na rin ni Bello ang POLO na habulin ang may-ari ng Home Comfort Recruitment Office/Home Comfort Manpower Services, Meshail Mabrook Al Bassani Al Qahtani at employer na si Abdulaziz Ahlas dahil sa panggagahasa at pang-aabuso sa kanya.

Pinapaparusahan din ng kalihim sa POEA ang local na kompanya na SAMA International Recruitment Agency na umanoy navbalewala sa reklamo at sumbong nito sa Saudi Arabia.

Sa kanyang urgent  memorandum kay  Labor Attache Fidel Macauyag, inatasan ni Bello ang  POLO sa Riyadh na makipagtulongan sa mga otoridad  sa naturang bansa  para sa agarang legal na aksyon sa kaso.

“The rape committed against our OFW may not result to a criminal case being filed in Philippine courts against the owner of the FDA. This is due to lack of jurisdiction ,” ayon kay Bello.

“The crime happened outside of the Philippines and the principle of extra territoriality can’t be applied on the case,” paliwanag ng kalihim.

Ipinag-utos na rin kay Macauyag na suspindihin ang FDA accreditation  ng Home Comfort  sa POLO.

Inatasan din niya si Macauyag na makipagtulungan sa mga awtoridad sa Arab para sa pagsasampa ng mga kasong kriminal at pag-uusig kay Al Qahtani at Ahlas.

 Sa kabilang banda, inatasan ni Bello si POEA Administrator Bernard Olalia upang imbestigahan si Ahlas tungkol sa mga paglabag sa mga patakaran ng POEA at magpataw ng mga parusa para sa pang-aabusong sekswal na ginawa laban sa OFW.

Sinabi rin ng  Labor chief kay Olalia na parusahan ang FDA at Qahtani. Gayundin, inatasan niya ang POEA na bumuo ng kasong administratiba laban sa SAMA at suspindihin ang ahensya upang maiwasan ang karagdagang paglabag at pagsasamantala sa mga manggagawang Pilipino.

“I will do everything possible to help our OFW fight back against her tormentors,” pahayag ni Bello.

Ang OFW ay agad na nagtungo sa Public Attorney’s Office (PAO) nang dumating sa bansa kung saan nabigyan ng legal assistance  para sa paghahanda ng  kanyang sinumpaang salaysay.

Nagsagawa rin ang PAO ng forensic tests sa OFW na nagpapakita ng resulta na nagsasabing may sekswal na pang-aabuso  at pananakit. Jocelyn Tabangcura-Domenden