Huwad na parak, arestado sa pangingikil!

Huwad na parak, arestado sa pangingikil!

November 29, 2022 @ 3:20 PM 2 months ago


TALISAY, Batangas- Kulungan ang kinasadlakan ng isang lalaki na nagpanggap na pulis matapos ireklamo ng pangingikil sa lamay ng patay kahapon ng umaga sa bayang ito.

Kinilala ang nadakip na suspek na si Arvin Luzaran Sumague, 42-anyos, dating overseas Filipino worker (OFW) at residente ng Barangay Sta. Maria, Talisay.

Ayon kay Brig. Gen. Warren de Leon, hepe ng Philippine National Police Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG), nagtungo sa kanilang tanggapan ang isang Peter Paul Pascuguin, residente sa nasabing lugar para ireklamo si Sumague hinggil sa ginagawang pangingikil.

Sa reklamo ni Pascuguin, nagtungo sa kanilang noong Linggo si Sumague sa pag-aakalang nakikipaglamay sa namayapa nilang kaanak.

Humarap sa kanila ang suspek at nagpakilalang Corporal Edison sabay hingi ng “protection money” dahil sa pagsusugal na nangyari sa lamay sa bahay ng kamag-anak nito.

Agad na inilatag ng PNP-IMEG ang entrapment operation laban sa suspek na nagresulta sa pagkakadakip nito at dinala sa himpilan ng Talisay City Police Station na ngayon ay nahaharap sa kasong robbery-extortion at usurpation of authority.

Giit ng suspek, napag-utusan lang siya ng isang police sergeant na kuhanin ang pera pero pinabulaanan ito ng mga awtoridad matapos magsagawa ng beripikasyon.

Nakaugalian na ng ilang kaanak ng namatayan na magpasugal sa kabila ng mahigpit itong ipinagbabawal subalit mayroon opisyal ng barangay na pinapayagan sa pakiusap ng mga namatayan para makalikom ng pera sa pagpapalibing. Mary Anne Sapico