Huwag kiligin si Agot sa pagtakbo sa pagkasenador

Huwag kiligin si Agot sa pagtakbo sa pagkasenador

July 8, 2018 @ 8:19 AM 5 years ago


 

Hindi ko naman minamaliit ang kapasidad at kakayahan ni Agot Isidro na maging senador, ngunit wala sa hulog ang nag-isip na isama sa senatorial line-up ng oposisyon ang artistang ito para sa susunod na halalan.

Hindi naman porke artista ay mangmang na sa pagtalakay, pagbusisi at pagpasa ng mga panukalang batas.

Marami na ring artista ang naging senador na hindi maipagkakailang mas mahusay pa sa senador na abogado.

Ngunit pulpol ang lohika mo kung idedeklara mong absolutong lahat ng artista ay karapat-dapat maging senador dahil lamang may magagaling na senador na dating mga artista.

Kung artista rin lang, dapat si Quezon City Mayor Herbert Bautista na ang kinuha ng oposisyon, sapagkat walang dudang maaasahan at mapapakinabangan ng Senado si Herbert kumpa­ra kay Agot.

Ang nalalaman ko lang na karanasan ni Agot sa politika ay nang minsang batikusin niya si Pangulong Rodrigo Duterte.

Kaso tablado ang Liberal Party kay Herbert dahil nilayasan na niya ito matapos malaman ng publiko ang mga kawalanghiyaang ginawa nito mula 2010 hanggang 2016.

Bumalik si Herbert sa Nationalist People’s Coalition, ang partido nina Senate President Vicente “Tito” Sotto III at Senadora Grace Poe.

Inamin ni Bb. Isidro sa panayam sa press na inaalok siya ng LP na tumakbo sa pagkasenador.

Sabi ni Isidro, pinag-iisipan niya nang husto ang alok.

Okey lang ‘yan, basta huwag lang kiligin si Agot dahil inalok siyang maging senadora ng lapiang panlilinlang ang alam.

BINUSISI ‘YANG P5.18-B

Pagdating sa pondo ng pamahalaang lokal ng Quezon City, napakaingat ni Vice Mayor Joy Belmonte.

Kaya hindi na ako magtataka kung idiniin niya kamakailan na binusisi nang husto ng Sangguniang Panlungsod ang P5.18 bil­yong supplemental budget ng administrasyon ni Mayor Herbert Bautista para sa mga pang-imprastrakturang proyekto at iba pa.

“In the past kasi, the supplementary budget is just a matter, of course, that is passed, but this time, we want to make sure that all the documentation is in place, the paperwork has been studied, and the project has been scrutinized,” ani Belmonte.

Kinuha ang P5.18 bilyon sa perang natipid ng pamahalaang lokal nitong nakalipas na taon, ayon sa City Ordinance No. 20CC – 408.

Sabi ni Belmonte, ang nasabing pondo ay gagamitin sa pagpapagawa ng mga ospital, health center at iba pa.

-Badilla Ngayon