Sinabi ng kalihim na hindi dapat na ugaliin ng publiko na mag-self medicate, lalo na kung ang pinag-uusapan ay ang pag-inom ng antibiotic.
Paalala pa ni Duque, ang pag-inom ng antibiotic nang walang preskripsiyon ay matagal na rin nilang ipinagbabawal dahil maaari itong magresulta sa anti-microbial resistance at magdulot ng pinsala sa internal organs.
“Huwag po tayong mag-self medicate. Ito po ang aking payo sa ating mga kababayan. Huwag pong mag- self medicate dahil ang antibiotic na aking binanggit (prophylaxis) ay prescription antibiotic po ito. Kailangan po talaga ng doktor. Sila po ang mag prescribed. Hindi naman po ito pwedeng bilhin over the counter at yung mga gamot na hindi prescription medications ay baka wala naman epekto yan, sayang lang pera ninyo at walang maidudulot na kabutihan,” ani Duque.
Kaugnay nito, ipinaalala rin ng Kalihim sa publiko na hindi lamang sa paglusong sa baha maaaring makuha ang sakit na leptospirosis, kundi maging sa simpleng wisik lamang sa mata ng tubig, na kontaminado ng ihi ng daga.
“Kung medium risk ka, may sugat ka sa paa, nasulong ka sa baha, nawisikan ka sa mata — kahit na tubig lang sa mata ha, magkakaroon ka ng leptospirosis niyan,” ani Duque.
Delikado rin kung maiinom ang tubig na may ihi ng daga.
Nauna rito, nagdeklara ang DOH ng leptospirosis outbreak sa 18 barangay sa pitong lungsod sa Metro Manila, kung saan nakapagtala sila ng 368 kaso ng leptospirosis, na may 52 patay, mula Enero 1 hanggang Hunyo 3 lamang ng taong ito. (Macs Borja)