HUWAG MAGPAPUTOK AT MANOROTOT

HUWAG MAGPAPUTOK AT MANOROTOT

January 1, 2022 @ 11:55 AM 8 months ago


PINANATILI ng Department of Health ang paninindigan nito na sana’y wala nang gagamit ng paputok sa Kapaskuhan at Bagong taon.

Subalit sa paggamit ng torotot, nagbago nang todo ang panawagan ng ahensya.

Huwag na huwag magtorotot dahil tiyak umanong malaking paraan ito ng pagkalat ng coronavirus disease-19 at iba pang mga sakit na kumakalat sa pamamagitan ng laway at hangin.

Dati-rati, ang panonorotot ang ikinakampanya ng DOH bilang kapalit ng pagpapaputok.

MARAMING ‘DI NATINAG

Sa pagkober ng Remate sa pangunahing gawaan at tindahan ng paputok sa Bocaue at Sta. Maria, Bulacan, marami ang hindi natinag sa panawagan ng ahensya pero malaki rin ang ibinawas ng mga pasaway.

Isang dahilan ng pagbabawas ng mga pasaway ang seryosong pagpapatupad ng pulisya at iba pang mga awtoridad sa mga bawal na paputok at iligal na pagawaan.

Kaya medyo humupa ang dating taon-taong maraming namamatay, napuputulan ng daliri at nasusunugan ng bahay at nawawasakan at nasusunugan ng mga pagawaan at tindahan.

Sa torotot, marami rin ang pasaway at hindi kaya nakatulong ito sa pagdami ng mga may COVID-19?

Sa paputok kasi, mga Bro, bawal na bawal ang testing.

Pero sa torotot, testing muna ng nagtitinda at bumibili bago ang bilihan kaya naririyan ang hawaan ng virus.

EXCUSE ME PO!

Grabe kung may nagaganap na disgrasya kaugnay ng paputok.

‘Yung bang === pagsabog ng mga gawaan at tindahan ng mga paputok.

Alam niyo bang kung sumabog ang gawaan ng paputok ay sabog din hindi lang ang bahay o pabrika o tindahan kundi buong katawan ng mga biktima?

Pagkatapos ng pagsabog, excuse me po, wala kang makikitang buong katawan.

May mga biktima nga na tanging maliliit na piraso ng mga laman at buto nila ang makikitang parang mga palamuti ng Christmas tree.

Matatagpuan ang mga ito sa mga sanga ng mga punong kahoy, bubong ng mga malalapit na bahay,  damuhan at iba pa.

Dahil sa mga pagsabog na may kasamang sunog, pati nga mga bumbero ay hindi makalapit sa mga disgrasya habang nagaganap ang mga ito.

Sa rami ba naman ng mga nagliliparang kwitis, goodbye earth, goodbye Philippines, lumalagablab na apoy at nagliliparang mga parte ng bahay na yero, hollow block, plywood at iba pa mula sa mga sumasabog na tindahan.

HINDI DEKLARADO

Bulong ng ating Uzi, hindi idinideklarang patay ang mga walang bangkay.

Tanging ang mga may palatandaan lang, gaya ng natirang ulo o putol na katawan o legs ang idinideklara.

Wala nga namang ebidensya, halimbawa, na may 5, 10 o higit pang patay.

Hindi idinedeklara upang hindi ganap na ipasara ng gobyerno ang mga pagawaan at tindahan.

At may kasama nang korapsyon dito dahil pinepera ng mga iskalawag na pulis ang mga patay na hindi idinideklara.

Sa una at huli, tanging ang maghabilin na huwag bumili o gumawa ng mga bawal na paputok ang bukambibig ng mga iskalawag.

Kung makahuli naman sila, para rin sa droga na ibinebenta ang mga huli para sila kumita.

HUWAG MANOROTOT, HUWAG MAGPAPUTOK

Para maligtas talaga tayo sa kamatayan o pagkasira ng katawan, gayundin sa COVID-19, huwag magpaputok at manorotot.

Tapos na ang Pasko subalit ang Kapaskuhan sa kabuuan, kasama ang Bagong Taon at araw ng Tatlong Hari ay hindi pa tapos.

Kaya huwag magpaputok at manorotot.

At baunin natin ang mga karanasan sa mga ito sa susunod na taon o 2022.

Happy New Year sa inyong lahat, maging sa mga pasaway.