HUWAG MAKALIMOT

HUWAG MAKALIMOT

December 28, 2022 @ 1:02 PM 1 month ago


ISANG araw pagkatapos ng Pasko, mahalaga na ‘wag tayong makalimot.

Pagkatapos ng masaganang kainan at palitan ng regalo, ‘wag nating kalilimutan na marami pa rin ang nagdarahop at nagtitiis sa kahirapan. Oo, naitawid nga ang Pasko sa limandaan-pisong “noche buena recipe” ng Department of Trade and Industry. Pero tsaring lang ang naging masaya sa tinipid na sangkap ng mala-spaghetti at mala-lumpiang shanghai na handa. Sino naman ang maniniwala na hindi mo isasama sa pagkwenta ng lutuin ang mga rekado pati ang gaas panluto?

Pagkatapos ng mga inuman at ang mga kwentuhan at asaran sa harap ng lechon, fried chicken, embutido at hamon ay umikot ang ala-ala ng isang gabi (o buong araw ba?) na tawanan. Masuwerte na nga kayo kung ganoon.

Kasi , libu-libong mga kababayan natin ang wala pa ring maayos na tirahan mula sa kabi-kabilang mga sakuna nitong mga nakaraan taon. Marami sa mga maliliit na mangingisda ay problemado dahil hindi na sila makapasok sa Manila Bay o kaya ay itinataboy sa West Philippine Sea. Ang mga magbababoy at magmamanok ay hindi na nakabangon sa African Swine Fever at sa bird flu, na halos tuluyan na ngang malugi at mabangkrap.

Hindi ako naniniwalang nakatutulong ang dagdag na importasyon ng karne para bumaba ang presyo ng mga ito, at lalong hindi ako naniniwala na sapat ang ginagawa ng gobyerno para tulungan ang mga magsasaka natin.

Palagay ko tinapos n’yo ang araw ng Pasko nang magaan ang loob dahil maayos ang mga selebrasyon at sa pagtulog mo, alam mong maayos din naman ang bukas. Baka nga nag-leave ka pa dahil sa hang-over ng Pasko. Mabuti na lang at idineklara ni Pangulong Bongbong Marcos na special non-working holiday ang December 26, 2022. Masuwerte ka dahil pwede ka pang humilata.

Pero ilang milyong Pilipino ang ngarag na naman sa arawang swelduhan na trabaho nila? Kahit ba naka-opisina sila, alam nilang oras na naman ang sasayangin nila sa labas ng kalsada, dahil sa palpak na sistemang transportasyon natin.

Alam ko na ang sasabihin ng iba. ‘Wag na lang magreklamo. Dumiskarte na lang tayo sa buhay.
Okay lang naman dumiskarte, basta ba patas ang laban. Pero sa nakikita ko, parang hindi malinaw ang mga plano, at walang pakialam ang mga nasa pwesto.

Kaya, huwag makalimot.