HUWAG MANUKSO

HUWAG MANUKSO

February 21, 2022 @ 12:58 PM 4 months ago


MUKHANG hindi napag-isipan mabuti ng COMELEC ang kanilang Oplan Baklas nitong mga nakaraang araw.  Maganda ang intensyon na ipatupad ang batas.  Nasa gitna nga naman ng kampanya, merong mga patakaran sa campaign materials na dapat sundin.

May tamang sukat na 2×3 feet para sa mga posters at 3×8 feet para sa mga streamers.  May mga lugar na dapat doon lang pwedeng idikit ang mga ito.  Yung mga designated common poster areas.   Hindi pwede sa lahat ng pampublikong lugar, lalo na nga kung sagabal sa trapik, paglalakad o iba pang serbisyo publiko.

Okay lang naman yun.  Ang batas ay dapat ipatupad.  Dapat sumunod ang lahat.

Pero paano kung mali ang interpretasyon ng nagpapatupad, sa patakaran na dapat nyang ipatupad? Mas delikado pa nga, kung meron mga awtoridad na aabuso sa kapangyarihan, para ipilit lang ang baluktot na pagpapatupad ng batas.

Iyan ang nasaksihan ng marami.  Maling-mali sabi nila.  Buti na lang merong mga umalma at nagpaliwanag ang mga ekspertong election lawyers.  Nagmistula pa ngang nagkaisa ang mga presidentiables sa pagkadismaya at pagkagulat sa sumablay na Oplan Baklas ng Comelec.

Linawin lang natin.  Dapat sumunod tayo sa mga patakaran ng COMELEC sa election campaign materials. Sa tamang size at sa mga tamang lugar na dikitan nito.

Pero lantaran ang pagkakamali ng COMELEC at ng ilang pulis at bumbero.

Pag nasa pribadong lugar, walang karapatan kahit sinoman para pumasok, tanggalin at kumpiskahin ang mga posters na nasa loob na ng private property, ng walang warrant.  Pagnanakaw ang tawag daw don.

Kung meron man paglabag, dapat ay nagbigay muna ng notice ang COMELEC na72 hours, bago isagawa ang pagkumpiska at pagtatanggal ng mga posters.

Ang mga pulis at bumbero o taga-barangay ay dapat lang magpanatili ng kaayusan at katahimikan sa mga oras ng operasyon ng COMELEC.  Hindi sila dapat nangunguna sa pagtatanggal, lalo na sa loob ng private property.

Eto pa, sa akin lang naman, ang pagpipinta sa ibabaw ng isang mural ay pag-siil sa karapatan ng malayang pamamahayag.

Sa ginawang lantaran na abuso ng COMELEC, tinutukso nila ang galit ng bayan.