HVI, 2 iba pa timbog sa mahigit P455K tobats sa Makati

HVI, 2 iba pa timbog sa mahigit P455K tobats sa Makati

October 17, 2022 @ 12:19 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Arestado ng mga operatiba ng District Drug Enforcement Unit-Southern Police District (DDEU-SPD) ang isang high value individual (HVI) at dalawa pang kasamahan nito sa isinagawang buy-bust operation kung saan nakumpiska sa kanilang posesyon ang P455,000 halaga ng shabu Linggo ng gabi (Oktubre 16) sa Makati City.

Kinilala ni SPD director P/Brig. Gen. Kirby John Brion Kraft ang mga inarestong suspects na pinangunahan ng high value individual na si Sasha Gandawali Utto, 39, at ang kanyang dalawa pang kasamahan na sina Marlon San Miguel Eusebio, a.k.a. Egay, 46, at Noemi Guinto Magat, 31.

Base sa report na isinumite ng DDEU kay Kraft, matagumpay na naisagawa ang ikinasang buy-bust operation dakong alas-10 ng gabi sa kahabaan ng Pateros Street, Barangay Olympia, Makati City.

Bago pa man isagawa ang operasyon ay nakatanggap ng impormasyon ang DDEU tungkol sa ilegal na aktibidad ni Utto kung saan isinailalim ito sa surveillance operation at ng magpositibo ang kanilang impormasyon ay agad na ikinasa ang buy-bust na nagresulta sa pagkakaaresto ng mga suspects.

Narekober sa posesyon ng mga suspects ang anim na heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu na may timbang na 67 gramo na nagkakahalaga ng ₱455,600, isang orange na handbag at ang P500 buy-bust money na ginamit sa operasyon.

Ang nakumpiskang illegal na droga na gagamitin bilang ebidensya sa pagsasampa ng kaso laban sa mga suspects ay dinala sa SPD Forensic Unit para sa qualitative, quantitative at chemical analysis habang ang tatlong suspects ay kasalukuyang nakapiit sa detention facility ng DDEU.

Nahaharap ang mga suspects sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng Art. II ng RA9165 sa Makati City prosecutor’s office. James I. Catapusan