HVI couple tiklo sa P374K shabu sa Valenzuela

HVI couple tiklo sa P374K shabu sa Valenzuela

March 1, 2023 @ 2:24 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Nasakote ng mga pulis ang mag live-in partner na high value individual na umano’y tulak ng iligal na droga matapos ang isinagawang buy-bust operation ng mga awtoridad sa Valenzuela City.

Kinilala ng Valenzuela City Police ang mga suspek na sina John Erwin Reyes y Mariñas, 24, (HVI) at Michaela Sevilla alyas “Ella”, 19 kapwa residente ng residente ng 125 Dulong Tangke St., Brgy. Malinta ng nasabing lungsod.

Base sa imbestigasyon ng Valenzuela City Police, bandang alas-6:30 ng umaga nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Capt. Joel Madregalejo sa Tangke, Brgy. Malinta.

Sa ulat ng pulisya, isang pulis ang nagpanggap na buyer ng iligal na droga at nagawang makipag-transaksyon sa mga suspek at makabili ng shabu sa mag live-in.

Nang iabot ng mga suspek ang binili na iligal na droga ng poseur buyer ay agad itong nagbigay ng hudyat sa kanyang mga kasamahan na nakapaligid sa nasabing lugar at mabilis na inaresto ang mga suspek.

Narekober ng mga pulis sa mag live-in partner ang anim na heat sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na nasa 55 gramo at tinatayang nasa P374,000 ang halaga, isang P1,000 pesos buy bust money, P600 pesos, 2 Android cellphone OPPO at REALME at coin purse.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Article II ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 sa Valenzuela City Prosecutor’s Office. R.A Marquez