HVI huli sa P340K shabu sa Valenzuela

HVI huli sa P340K shabu sa Valenzuela

December 5, 2022 @ 2:11 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Shoot sa rehas na bakal ang isang High Value Individual (HVI) na miyembro ng isang criminal group matapos makuhanan ng mahigit P.3 milyon halaga ng shabu matapos madakip sa isinagawang buy-bust operation ng mga awtoridad sa Valenzuela City.

Kinilala ni PLT Col. Renato Castillo, hepe ng District Drug Enforcement Unit (DDED) ang suspek na si Jonnel Nabera alyas “Iyang”, 37, miyembro ng “Danny Castro Criminal Group”, residente ng Northville 2, Brgy. Bignay.

Base kay Castillo, bandang alas-12:48 ng madaling araw ng magsagawa ang mga operatiba ng DDEU-NPD ng buy-bust operation sa Northville 2, Brgy. Bignay, Valenzuela City kung saan isang undercover police ang nagawang makipagtransaksyon sa suspek ng P7,500 halaga ng droga.

Matapos tanggapin ng suspek ang marked money mula sa pulis na nagsilbi bilang poseur-buyer kapalit ng umano’y shabu ay agad itong sinunggaban ng mga operatiba na nakapaligid sa lugar.

Narekober sa suspek ang humigi’t kumulang 50 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price P340,000 at buy bust money P500 bill at pitong pirasong P1,000 boodle money.

Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. R.A Marquez