HVI, kasabwat tiklo sa P408K sa Caloocan

HVI, kasabwat tiklo sa P408K sa Caloocan

August 26, 2022 @ 2:10 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Umabot sa P408,000 halaga ng shabu ang nasabat sa dalawang drug suspects, kabilang ang isang High Value Individual (HVI) matapos maaresto sa isinagawang buy bust operation ng pulisya sa Caloocan City.

Kinilala ni District Drug Enforcement Unit ng Northern Police District (DDEU-NPD) chief PLT. Col. Renato Castillo ang mga naarestong suspek bilang sina Jayson Peñaflor, 25, (HVI) at Alex Dumafe alyas “Nonoy”, 51, kapwa ng Brgy. 118, Caloocan City.

Base kay Castillo, bandang alas-4:30 ng hapon nang magsagawa ang mga operatiba ng DDEU sa pangunguna ni PSMS Michael Tagubilin ng buy bust operation sa 118 2nd St., 4th Avenue, Brgy. 118 matapos ang natanggap na impormasyon hinggil sa umano’y illegal drug activities ng mga suspek.

Sa ulat ng pulisya, isang undercover police ang nagawang makipagtransaksyon kay Peñaflor ng P7,500 halaga ng droga at nang tanggapin niya ang marked money mula sa poseur buyer kapalit ng iniskor na shabu ay itong dinamba ng mga operatiba kasama ang kanyang kasabwat na si Dumafe.

Narekober sa mga suspek ang humigit-kumulang 60 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price P408,000 at buy bust money na isang tunay na P500 bill at 7 pirasong P1,000 boodle money.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. R.A Marquez