HVI magpa-Pasko sa selda sa P.2M shabu

HVI magpa-Pasko sa selda sa P.2M shabu

December 23, 2022 @ 3:45 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Sa loob ng selda magdiriwang ng kapaskuhan ang isang kelot na itinuturing na high value individual matapos na makuhanan ng higit sa P.2 milyon na halaga ng iligal na droga matapos ang isinagawang buy-bust operation ng mga pulis sa Valenzuela City.

Kinilala ni Valenzuela Police chief P/Col. Salvador Destura Jr, ang suspek na si Jerome Luangco, 42, residente ng Bonbon Ville Brgy. Ugong ng nasabing lungsod.

Base sa isinumiting ulat ni Col. Destura kay Northern Police District (NPD) District Director PBGEN Ponce Rogelio Peñones Jr, dakong alas-8:40 ng umaga nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Lt. Joel Madregalejo ng buy bust operation sa Serapio St., Brgy. Gen T. De Leon matapos makatanggap ng impormasyon hinggil sa pagbebenta umano ng suspek ng iligal na droga.

Ayon sa ulat ng pulisya, isang Regular Confidential Informant (RCI) at isang operatiba ng SDEU na umaktong poseur buyer ang nagawang makipagtransaksyon sa suspek ng P8,000 halaga ng droga.

Matapos ang transaksyon at ibigay ng suspek ang binili na shabu agad na isinagawa ng pulis na buyer ng droga ang kanyang pre-arrange signal hudyat na nakabili na ito sa target.

Sa puntong iyon, agad na lumapit ang mga backup na operatiba na nakapaligid sa lugar at inaresto ang suspek.

Narekober sa suspek ang humigit-kumulang 35 grams ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price P238,000, isang genuine P500 peso bill, P500 at 7 pirasong P1,000 peso bill boodle money, coin purse at P200 recovered money.

Mahaharap sa kasong Section 5, 11 (Possession of Dangerous Drugs) sa ilalim ng Article II ng RA 9165 Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang suspek sa Valenzuela City Prosecutor’s Office. R.A Marquez