‘Hybrid immunity’ pananggalang ng mga Pinoy vs Omicron subvariant

‘Hybrid immunity’ pananggalang ng mga Pinoy vs Omicron subvariant

March 19, 2022 @ 10:00 AM 3 months ago


MANILA, Philippines- Malabong maging sanhi ng “spike” sa kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa Pilipinas ang Omicron sub-variant na nakaapekto sa Hong Kong dahil sa “hybrid immunity”, ayon kay infectious disease expert Dr. Edsel Salvana nitong Biyernes.

“We actually expect na kung mayroon na tayong tinatawag na hybrid immunity that is when you have vaccination and you get mild breakthrough infection protected ‘yan against BA.2.2,” ani Salvana sa isang media briefing.

“So even makapasok ‘yan dito chances are hindi na ‘yan magdudulot ng mas malaking spike dahil meron na tayong exposure dito,” dagdag niya.

Nauna nang natukoy sa Pilipinas ang BA.1 at ang BA.2 o ang Stealth Omicron, dalawang sub-lineages ng mas nakahahawang Omicron COVID-19 variant.

Inilahad naman ng Department of Health (DOH) na itinuturing ang Omicron na predominant variant sa National Capital Region at iba pang rehiyon dahil sa pagtaas sa kaso nito noong Enero.

Patuloy ni Salvana, nakatulong din ang sapat na suplay ng bakuna sa bansa sa paglaban sa COVID-19 variants.

“Marami tayong klase ng bakuna. Because we have different kinds of vaccines, mas resilient yung ating vaccines overall sa mga variants dahil iba-iba ang targets,” paliwanag niya. RNT/SA