Hybrid learning set-up nais panatilihin ng private schools

Hybrid learning set-up nais panatilihin ng private schools

June 1, 2022 @ 2:00 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Nais ipagpatuloy ng mga pribadong paaralan sa Pilipinas ang kombinasyon ng online at in-person classes sa darating na school year, ayon sa kinatawan nila nitong Miyerkules.

“Sa palagay ko po maganda na magkaroon na po talaga tayo ng in-person classes, pero without removing yung option ng (online) lalo na sa ating mga private schools kasi nakita rin naman po natin na nakatulong po ito in improving access to education,” tugon ni Atty. Joseph Noel Estrada ng Coordinating Council of Private Educational Associations (COCOPEA) nang tanungin ukol sa pahayag ng Department of Education (DepEd) na inaasahan nilang lahat ng paaralan ay magsasagawa ng limitadong in-person classes sa susunod na academic year.

“So magkakaiba po kasi yung sitwasyon ng mga magulang, ng mga estudyante at ng mga paaralan. Maganda po na mapalawak natin yung ating platforms so bukod po doon sa in-person classes maganda ma-supplement pa po ito ng online platforms,” dagdag niya.

Iginiit pa ni Estrada na bago pa man magkaroon ng pandemya ay gumagamit na ng online learning platforms.

“I think marami din po tayong napulot na magandang practices doon po sa ating online classes so tama kayo, maganda rin na magkaroon pa rin tayo ng hybrid classes,” aniya.

Maraming pribadong paaralan ang nagpahayag sa DepEd ng kahandaan nila sa implementasyon ng face-to-face classes sa susunod na pasukan.

“Hindi po natin masabi kung para sa lahat po ang pagtataas pero sana nga po ay hindi po tumaas yung atin pong mga tuition. At mangyayari lang din po yun siyempre kung hindi po tuluyang bababa yung ating mga enrollment sa ating mga paaralan,” giit pa niya. RNT/SA