I-BLACKLIST ANG MGA MANDARAYANG KONTRATISTA

I-BLACKLIST ANG MGA MANDARAYANG KONTRATISTA

July 13, 2021 @ 7:40 PM 1 year ago


HANGAD mismo ni Pang. Rodrigo Duterte na iukol ang nalalabing panahon ng kanyang panunungkulan sa pagpuksa sa katiwalian at ‘yan mismo ang pinanghahawakan ng Department of Education nang magpasya itong rebisahin ang P1.1 bilyong transaksyon na nasungkit ng JC Palabay Enterprises Inc., gamit ang mga dinoktor na dokumento.

Sa isang liham na ipinadala ni Education Undersecretary Salvador Malana, lubos siyang nagpasalamat sa mga mapanuring peryosdista na gaya natin na naging daan upang lalo pa nilang pagbutihin ang kanilang trabaho sa ahensyang may mandatong tiyakin ang kalidad at integridad ng edukasyon para sa mga Filipino.

Bilang patunay, bok, ng kanilang maagap na aksyon ay agad niyang sinabihan ang Bids and Awards Committee na nangangasiwa sa procurement ng mga “self-learning modules” na agad rebisahin ang mga papeles na isinumite ng JC Palabay Enterprises Inc. na una nang napaulat na hindi kwalipikado para sa mga government bidding contract batay sa mga dokumentong nasa pag-iingat ng departamento.

Nangako naman si Malana, hindi aniya nila kailanman kukunsintihin o palalagpasin ang kasalbahian ng sinomang kontratista kesehodang may padrino pa, sa kanilang tangkang panlalansi sa gobyerno lalo pa’t ang salaping itinutustos sa mga ito ay mula sa dugo’t pawis bilang buwis ng mahigit 100 milyong Filipino.

Hindi man niya direktang sinabi, malinaw na masasampulan ang JC Palabay Enterprises pag mapatunayang totoo ang mga alegasyon laban sa kanila.

Sa ilalim kasi ng umiiral na Republic Act 9184 o ang “Government Procurement Reform Act,” posibleng patawan ng diskwalipikasyon o ma-blacklist ang mga kontratistang hangad ay isahan ang gobyerno.

 Ang matindi pa rito,  pagmumultahin o sasampahan ng kasong kriminal ang sinomang mapatutunayang lumabag sa nasabing batas.

Nagsimula kasi ang isyu nang isiwalat sa iba’t ibang pahayagan ang diumano’y “misrepresentation” na ginawa ng JC Palabay Enterprises na nakuhang sungkitin ang P1.1 billion contract para sa paglilimbag ng learning modules para sa mga mag-aaral ng pampublikong paaralan para sa school-year 2021-2022.

Malinaw sa kanilang isinumiteng Net Financial Contracting Capacity na hanggang P100 milyong halaga lang ng mga government contract ang pwede niyang salihan para sa bidding at hindi P1.1 bilyon na 11 ulit na mas malaki kaysa sa itinakdang limitasyon ng JC Palabay Enterprises.

Saludo tayo kay Usec. Malana!