IATF kinasuhan vs mandatoryong pagbabakuna sa on-site workers

IATF kinasuhan vs mandatoryong pagbabakuna sa on-site workers

December 14, 2021 @ 7:24 AM 10 months ago


MANILA, Philippines – Nagsampa ng kaso ang limang residente ng General Santos laban sa ilang myembro ng Inter-Agency Task Force ukol sa sapilitang pagbabakuna ng COVID-19 vaccine ng mga on-site workers.

Sinabi ng mga complainant na pinupwersa ng IATF ang mga empleyado na magpabakuna bunsod ng inilabas na resolusyon, at pagsasailalim sa RT-PCR test kapag hindi bakunado mula sa sariling gastos ng empleyado.

β€œThe person should have legal capacity to give consent; should be situated as to be able to exercise free power of choice, without the intervention on any element of force, fraud, deceit, duress, overreaching or other ulterior form of constraint or coercion,” saad sa reklamo.

Pinasasagot naman sa reklamo sa Office of the Ombudsman sina Health Secretary Francisco Duque III, Health Undersecretary Charade Mercado-Grande, at IATF co-chairperson Karlo Nograles.

Sa ilalim ng IATF Resolution 148-B, lahat ng establisimyento, pribado man o pampubliko, ay kinakailangang gawing rekisito na sa kanilang mga on-site workers ang pagiging bakunado laban sa COVID-19.

Nakasaad pa sa reklamo na ang ilang mga empleyado ay napilitan na lang umalis sa trabaho dahil sa pagpapasagot sa kanila ng gastos sa RT-PCR test kada dalawang linggo. RNT