Iba pang pulis na sangkot sa drug trade, tutugisin ng PNP

Iba pang pulis na sangkot sa drug trade, tutugisin ng PNP

October 10, 2022 @ 4:37 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Sisilipin pa ng Philippine National Police kung mayroon pang ibang pulis ang sangkot sa illegal drug trade makaraan maaresto ang isang intelligence officer sa ikinasang buy-bust operation sa Maynila.

“Isang ini-expect natin kay [Police Master] Sergeant [Rodolfo] Mayo ay i-reveal niya o tulungan niya kami sa pag-identify ng ibang kasamahan niya kung meron pa man,” ani PNP chief Police General Rodolfo Azurin Jr. sa isang pulong balitaan ngayong Lunes, Oktubre 10.

“We don’t care kyung hanggang saan ang aabutin ng imbestigasyon na to,” dagdag pa niya.

Kahapon, Oktubre 9 ay naaresto nga si Police Master Sergeant Rodolfo Mayo sa Quiapo, Maynila makaraan ikanta siya ng isa pang drug suspect.

Si Mayo ay intelligence officer ng PNP Drug Enforcement Group batay sa rekord ng pulisya.

Nitong weekend lamang ay nakakumpiska ng nasa 990 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng mahigit P6.7 bilyon ang pulisya sa serye ng mga operasyon sa nasabing lungsod.

Sinabi naman ni PNP Drug Enforcement Group (PDEG) Director Police Brigadier General Narcisco Domingo na pumayag na si Mayo na magbigay ng iba pang impormasyon sa pulisya.

“So far, as of this moment, napapayag na po natin siya na mag-reveal. Masaya po tayong i-report sa ating Chief PNP na within today we will start the interview with that suspect,” ani Domingo. RNT/JGC