IBANG KLASE ANG TRAFFIC SA MAYNILA

IBANG KLASE ANG TRAFFIC SA MAYNILA

January 14, 2023 @ 2:41 AM 4 weeks ago


UMAGA pa lang, sobrang traffic na ang kakaharapin ng mga motorista kapag dumaan sa R-10 sa Tondo, Maynila.

Sobrang traffic din ang kakaharapin pagpasok ng sasakyan bago dumating sa Anda Circle hanggang paglampas ay siksikan pa rin dahil sa dami ng mga trak na ginagamit ang nasabing kalye sa kanilang paglabas mula sa port.

Paano nga na hindi magsisiksikan kung sabay-sabay na lumalabas at pumapasok ang mga malalaking trak sa port? Kasi nga, wala namang umiiral na truck ban sa Kamaynilaan. Pero mas nagsisiksikan sa Maynila dahil ito ang kanilang tungo upang kumuha ng mga kargamento lalo na ang mga trak na may kakabit na container van.

Kahapon, Biyernes, patungo pa lang sa Maynila ay naiinis na ang inyong lingkod dahil sa R-10, pagbaba pa lang ng NLEX Harbor Link ay siksikan na ang mga sasakyan at hirap na makausad dahil sinakop na ng mga container truck ang lahat ng lane.

Ang masaklap pa, walang traffic enforcer sa lugar na nagmamando ng traffic. Ay mayroon pala subalit mas hinaharap nila ang paghahanap ng violation sa mga nagdaraang sasakyan pero balewala ang mga pagkakamali ng mga malalaking trak.

Aba, tila nakatimbre na ang mga malalaking trak na ito sa Manila Parking and Traffic Bureau at sa Manila Police District-Traffic Enforcement Unit.

Naman! Baka hindi nila alam na ayaw na ayaw ni Mayor Honey Lacuna-Pangan ang mga estilong ganyan na kelangan may timbre sa ilang opisina sa city hall.

At mas lalong ayaw na ayaw ni MPD director PBGen. Andre Dizon ang mga lingguhang payola dahil siya mismo ay walang kolektor. Lalong wala siyang bagman na tumatanggap ng lagay mula sa ilang iligal.

Dapat ay kumilos ang hepe ng MPD-TEU na si PMaj. Anthony Olgado at ayusin ang daloy ng mga sasakyan sa Maynila at hindi yung nakakulong lang siya sa kanyang airconditioned room habang buhol-buhol at rambola ang mga sasakyan na nagdaraan sa mga pangunahing kalye sa Maynila.

Kahapon, mula Emerald Restaurant sa Roxas Boulevard sa Ermita hanggang Anda Circle sa Intramuros ay inabot ng halos isang oras ang biyahe dahil sa halos hindi gumagalaw ang mga sasakyan dahil nga puro sinakop ng mga trak ang daan.

Dapat pakialaman ito ng Manila District Traffic Enforcement Unit at huwag nilang idahilan na dahil puro enforcers ng Metro Manila Development Authority ang nagmamando ng trapiko. Kaya nga dapat nilang pakialaman kung hindi kaya ng MMDA enforcers dahil sila naman ang nakasasakop sa mga kalye sa buong Maynila.

Kung maaari, huwag mo ipagkatiwala P/Maj Olgado sa traffic enforcers ang pagmamando ng traffic.

May mga tauhan ka na palabasin mo naman sa opisina upang masilayan naman nila ang init ng araw, hindi iyong puro hangin na lang ng aircon ang dumarampi sa kanilang mga balat.

Dapat, galaw-galaw din ang mga tao mo Major Olgado. Sila rin, baka sila ma-stroke.