IBANG KLASENG OPISYAL NG PNP

IBANG KLASENG OPISYAL NG PNP

June 30, 2022 @ 8:18 PM 1 month ago


HINDI maitatanggi na bago makuha ng isang opisyal sa gobyerno ang puwestong kanyang hinahangad ay kailangan niya ang malakas kung di man bagyong pamato o backer. At hindi maisasaisantabi ang Philippine National Police dahil sila man ay kasama o bahagi ng palakasan system sa pamahalaan.

Subalit sa pag-upo sa posisyon bilang presidente ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. may mga umaasa na mababago ang patakaran at ibabase sa husay ng pamumuno o performance ng opis­yal sa posisyon ang magiging panuntunan.

At muli, hindi kailangang maiba ang PNP sapagkat may mga karapat-dapat o deserve na makuha ang pwesto subalit dahil walang malakas na nagsusulong ay hindi makuha ang pwestong nararapat sa opis­yal.

Hindi ligtas dito ang kasaluku­yang Regional Director ng National Capital Region Police Office na si PMGen. Felipe Rivera Natividad na walang tigil sa pagtratrabaho subalit hindi kinukuha ang kredito sa halip ay ipinapasa sa kanyang mga tauhang opisyal na sinasabi niyang sila ang kumikikos at nagpapakahirap upang maging matagumpay ang kanilang misyon kaugnay sa kaayusan at kapayapaan ng pamayanan na kanilang nasasakupan.

Walang humpay ang inspeksyon na ginagawa sa hapon pagabi ni Gen. Natividad sa pagdarausan ng oathtaking ni BBM sa National Museum ngayong Hunyo 30 subalit hindi niya iyon ipinagyayabang dahil ayon nga sa kanya, trabaho nila yun at hindi na dapat pang ipangalandakan.

Mula nang maupo siya bilang RD ng NCRPO, wala siyang binago na mga proyekto dahil sabi nga niya ay pare-pareho lang naman, binabago lang ang termino o katawagan pero ganoon din ang layunin- ang magsilbi sa mamamayan.

Ang pinakahinangaan ng inyong PAKUROT sa opisyal na ito ay ang pagiging prangka niya at hindi mapalabok sa mga binibitiwang salita at laging may laman na makukuhanan mo ng tamang desisyon dahil ang bawat salita niya ay may mapupulot kang aral.

Napuna ng inyong lingkod na ang opisyal na ito ay namahagi ng ayuda sa iba’t ibang bahagi ng Kamaynilaan na hindi humihingi ng ayuda sa kanyang mga kakilala na nakaluluwag sa buhay sa halip ay inilabas ang pondo na bahagi ng proyektong ayuda na ang iba ay hindi ginawa at sa halip ay inilaan sa kanilang pansariling interes.

O, saan ka pa? Hindi ba’t ibang klaseng opisyal talaga?

Opisyal na hindi masiba sa publisidad, opisyal na hindi makasarili at totoo sa pagtulong sa kapwa at higit sa lahat, opisyal na bukod sa walang yabang sa katawan ay wala ding ipinagyayabang na backer at umaasa lang talaga sa makakapansin ng kanyang kakayahan.

Sana lang mapansin na siya ng susunod na administrasyon. Dasal yan ng nakararami lalo na ng kanyang mga naging tauhan.