IBC-13 binigyan ng Senado ng P619M pondo sa 2023

IBC-13 binigyan ng Senado ng P619M pondo sa 2023

November 11, 2022 @ 8:44 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Isinama sa naaprubahan ng Senado nitong Huwebes, Nobyembre 10 ang P619 milyon na halaga ng pondo ang government sequestered broadcast firm na IBC-13.

Ito ay sa kabila ng pangamba na magsara na ang naturang himpilan sa susunod na taon kung hindi ito mapopondohan.

Ani Senador JV Ejercito, malaking bahagi sa ibinigay na pondo o P123 milyon ay gagamitin sa pagbabayad ng sahod ng mga empleyado nito.

“The lingering problem, which has been sweeped under the rug through the years, the unpaid retirement benefits of retirees from 2009 up to 2023 which amounted to P496 million,” pahayag ng Senador.

Ibinahagi naman ni Senate Minority Floor Leader Koko Pimentel na sumulat sa kanya ang ilang mga dating empleyado ng IBC-13 kaugnay ng sahod at separation pay na nakadepende sa proposed budget.

Dahil dito ay umaasa si Pimentel na ang P619 milyon proposed budget ng TV network ay makapasa sa bicameral committee at sa Pangulo.

Nitong Setyembre, mismong si IBC president Hexilon Alvarez ang nagsabi na mayroong “outstanding obligations” ang government-controlled network hindi lamang sa kanilang mga empleyado kundi maging sa mga retirees nito na hindi pa nakakatanggap ng kabuuang halaga ng ipinangako para sa kanila sa ilalim ng collective bargaining agreement (CBA). RNT/JGC