ICC ‘DI PWEDENG MAKIALAM SA PINAS

ICC ‘DI PWEDENG MAKIALAM SA PINAS

August 2, 2022 @ 7:35 PM 1 week ago


NAGSALITA na si Pangulong Ferdinang ‘Bongbong’ Marcos Jr. ukol sa problema ng nakaraang administrasyon sa International Court of Justice.

Hindi muling sasali ang Pilipinias bilang miyembro ng ICC, pahayag ni Pangulong Bonbong.

Nangangahulugan naman ito na hindi papayagan ng Pilipinas na magsagawa ang ICC ng imbestigasyon sa akusasyong nagkaroon ng “extra-judicial killings” noong panahon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ginawa ng Pangulo ang desisyon makaraang pulungin nito ang mga matataas na lider ng bansa gaya nina Solicitor General Menardo Guevarra, Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo, Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile, Executive Secretary Vic Rodriguez, and Atty. Harry Roque.

Hindi matatawaran ang kaalaman ng mga lider ng pamahalaang Marcos na ito ukol sa nasabing mga usapin kaya naman dapat na magtiwala ang sambayanan sa Pangulo sa ginawa nitong desisyon.

DROGA, TUNAY NA SALOT

Kung iisipin, alam ng lahat ng Pinoy kung gaano katindi ang paglaganap ng droga at gaano kabagsik ang mga sangkot dito.

Una, alam ng mga Pinoy na milyon-milyon ang naging biktima ng paglaganap ng droga at nakita ito sa mahigit 1.3 milyong sumurender sa Oplan Tokhang.

Sa mga biktima na naging adik nagmula ang matitinding krimen gaya ng rape, pagpatay, panghoholdap, pagnanakaw sa loob at labas ng mga tahanan at pagkawasak ng maraming pamilya, kasama na ang sa mga oversease Filipino worker.

Ikalawa, alam ng lahat na may mga sangkot na pinuno ng pamahalaan mula sa mga kagawad at kapitan ng barangay hanggang sa mga mayor, gobernador, kongresman at iba pa.

Marami ang nakapwesto sa mga ito gamit ang salaping galing sa droga at ginamit nila ang kanilang kapangyarihan para yumaman hindi lang sa korapsyon kundi sa negosyong droga.

Ikatlo, may nakilalang limang heneral na nasangkot dito at muntik pa ngang naging Philippine National Police chief ang isa sa kanila kundi hindi dumating si Pang. Digong sa Malakanyang para sawatain ang pulisya sa droga.

Alam din ng lahat na halos wala nang mapagkakatiwalaan ng mga mamamayan na pulis noon dahil sa katangian nilang narco-cops o ninja cops.

Ikaapat, hindi kaila na sa loob at labas ng Bilibid, nagkalahat ang mga druglord na may mga laboratoryo sa droga at nagpapapasok ng droga mula sa ibang bansa.

Nagawa nilang gawing kasosyo at protektor ang mga opisyal at pulis sa pagpapalaganap ng droga na naging sanhi ng mga katakot-takot na krimen, pagkasira ng ulo mga adik at pagkawasak ng mga tahanan.

HUSTISYA GUMAGANA SA PINAS

Ayon sa ICC, nasa 12,000 hanggang 30,000 umano ang napatay noon samantalang sinasabi ng mga pulis na nasa 6,000 lang na higit na kapani-paniwala.

Pero ang isang napakahalaga, isinusulong ng Pinas ang katarungan at hindi na kailangan ang mga dayuhan, ang ICC, na makialam at magdidikta sa takbo ng hustisya sa bansa.

Gumagana ang hustisya sa Pinas at hindi na mabilang sa daliri ang hanggang ngayo’y inuusig sa mga hukuman at ipinapasok sa kulungan na mga napatutunayang nagkasala sa pang-aabuso sa kapangyarihan.