ICC members, pwedeng tablahin ng Pinas sa pag-iimbestiga ng drug war – Chiz

ICC members, pwedeng tablahin ng Pinas sa pag-iimbestiga ng drug war – Chiz

February 2, 2023 @ 11:34 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Maaaring tablahin ng Pilipinas ang pagbibigay ng visa sa miyembro ng International Criminal Court pagpasok ng bansa upang imbestigahan ang malawakang pagpatay sa implementasyon ng Oplan Tokhang sa drug war ng Duterte administration.

Inihayag ito ni Senador Chiz Escudero sakaling magpumilit ang imbestigador ng ICC na pumasok sa bansa sa isang panayam matapos ang pagdinig ng panukalang Maharlika Investment Funds (MIF).

Ayon kay Escudero, kanyang Ipinalutang ang mungkahi matapos tanungin hinggil sa pahayag ni Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile na maaaring arestuhin ang ICC investigators sakaling pumasok sa bansa.

“I don’t know the basis of that because you cannot just arrest anyone. If at all, huwag ninyo na lamang bigyan ng visa,” giit niya.

“Sa pamamagitan lamang ng pag-withdraw ng visa at pag withhold ng entry puwede naman iyon. Hindi na puwedeng dumating pa sa punto na magkaka-arestuhan at ipapakulong pa. Lalo lamang parang pinausok ng gasolina ang apoy,” dagdag niya.

Sinabi pa ni Escudero na dapat humingi ng klaripikasyon ang Department of Foreign Affairs at Department of Justice mula sa ICC kung bakit nakapagdesisyon itong ituloy ang imbestigasyon sa drug war ng Duterte administration kahit may umiira na imbestigasyon sa extrajudicial killings.

“To my knowledge, there is an ongoing investigation being conducted by both the [National Bureau of Investigation] and the Department of Justice as far as extrajudicial killings associated with the drug war of the previous administration,” aniya.

This matter has to be clarified to our Department of Foreign Affairs with the ICC at the proper time,” giit pa niya.

“Does that mean they rejected the position of the DOJ that we are currently doing our own investigation? Marahil ang pagpapatuloy ng imbestigasyon ng ICC ay hindi pagsunod o pagpapaniwala sa ipinaliwanag ng ating kalihim, DOJ secretary na mayroong ongoing investigation,” ayon kay Escudero, isang abogado.

Ipinaliwanag ni Escudero na kahit kumalas ang Pilipinas sa Rome Statute, maaaring manghimasok pa rin ang ICC sa anumang paglabag sa karapatang pantao kung walang ginagawa ang gobyerno na imbestigahan at litisin ang sinumang sangkot sa drug war.

“May panahon pa ang Department of Foreign Affairs at Department of Justice para gumawa ng representasyon para ipaliwanag: Ito ba ay pag-reject sa ipinaliwanag ni [Secretary of Justice Jesus Crispin] Remulla na mayroong imbestigasyong nagaganap kaya hindi pa sila dapat o puwedeng pumasok? Iyan ba ang ipinahihiwatig nila sa muling pagbubukas ng imbestigasyon at kung iyon nga ay may pagkakataon ang Pilipinas na humingi ng rekonsiderasyon sa desisyong iyon kung saka-sakali?” giit niya.

Noong nakaraang linggo, pinayagan ng ICC ang pagbubukas ng imbestigasyon sa brutal na anti-drug campaign ng administrasyong Duterte.

Hindi kuntento ang pre-trial chamber ng ICC sa isinasagawang imbestigasyon ng Pilipinas na maaaring magbalewala sa ginagawa ng naturang korte.

“The various domestic initiatives and proceedings, assessed collectively, do not amount to tangible, concrete and progressive investigative steps,” ayon sa ICC. Ernie Reyes