ICC probe sa war on drugs ni Duterte, ‘wag patagalin – Hontiveros

ICC probe sa war on drugs ni Duterte, ‘wag patagalin – Hontiveros

January 30, 2023 @ 7:03 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Hiniling ni Senador Risa Hontiveros sa administrasyong Marcos na huwag nang patagalin ang isasagawang imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa war on drugs na tinaguriang “Oplan Tokhang.”

Sa pahayag, sinabi ni Hontiveros na dapat magkatulad ang hangarin ng Department of Justice (DOJ) at ICC na mabigyan ng katarungan ang libu-libong biktima ng tokhang kabilang ang mga inosenteng menor de edad na nadamay sa war on drugs.

“Huwag na sanang patagalin pa ng administrasyong Marcos ang pagsasagawa ng ICC ng imbestigasyon sa war on drugs. Kung tutuusin, pareho dapat ang hangad ng DOJ at ng ICC: ang katarungan para sa mga biktima ng tokhang,” ayon kay Hontiveros.

“Ano ba nama’ng napakahirap sa pakikipagtulungan? Hindi tayo dapat tumatanggi sa tulong,” dagdag ng senadora.

Pero, dismayado si Hontiveros sa nagaganap dahil makikita na maraming butas ang sistema ng katarungan sa bansa na higit na pinapaburan ang mayayaman at makapangyarihan.

“Kaya lang, dito sa Pilipinas, at alam ito ng mga kababayan nating mahihirap, napakaraming butas ng ating justice system. Mas napapaboran ang mayayaman at makapangyarihan, samantalang ang mga mahihirap ay lalong nababaon,” ayon kay Hontiveros.

“At lalo na sa kaso ng drug war, kung saan marami sa mga biktima ay mahihirap, paano nila aasahang may naghihintay na liwanag kung ang estado ang mismong mag-iimbestiga sa sarili nitong tauhan at polisiya?,” giit pa niya.

Dahil dito, sinabi ni Hontiveros na dito pumapasok ang ICC dahil kailangan ng bansa ng hiwalay na institusiyon na hindi kontrolado ng nasa poder – na walang ibang layunin kundi bigyan ng katarungan ang biktima.

“Dyan pumapasok ang ICC. Kailangan natin ang isang hiwalay na institusyong hindi hawak ng nasa poder— na ang debosyon ay tungo sa katahimikan ng mga biktima at ng kanilang pamilya,” giit ng senadora.

Aniya, kailangan ibahagi ng gobyerno sa ICC ang lahat ng internal documents, testimonya ng whistleblowers, video mula sa body cams, CCTV footage, at iba pang ebidensya.

“Dapat tuluy-tuloy ang access ng ICC sa mga ito. The ICC needs credible, reliable, and competent evidence. Civil society can support these efforts by facilitating access to the survivors and families of the victims of the war on drugs,” paliwanag ng mambabatas.

Aniya, “Kung paulit-ulit pa ring haharangin ang ICC, lalo lang nagmumukhang may itinatago ang administrasyon.”

“Sa ngayon, hindi na pwedeng idahilan ng gobyerno ang konsepto ng “sovereignity.” Kung totoong hangad ni Presidente ang respeto ng mundo, na paulit-ulit nyang sinasabi sa mga biyahe palabas ng bansa, subukan nyang magsimula siya sa isyu na ito— sa isyu ng karapatang pantao sa Pilipinas. Igalang nya ang international law. Sundin nya ang nakasaad sa batas,” giit ng senadora.

“At sa dami ng batas sa mundo para sa mga biktima ng pang-aabuso ng estado, panahon na para panindigan ni Presidente na sa kanyang administrasyon, may hustisya,” dagdag pa niya. Ernie Reyes