Ice, nag-throwback sa pagiging laos!

Ice, nag-throwback sa pagiging laos!

October 18, 2022 @ 2:54 PM 2 months ago


Manila, Philippines – Sa vlog na The Interviewer ng King of Talk na si Boy Abunda, naging panauhin nito si Ice Seguerra na ibinahagi ang naranasang “ups and downs” sa kanyang karera.

Namayagpag ang karera noon ni Ice nang manalo siya sa Little Miss Philippines sa Eat Bulaga sa murang edad.

Ito rin ang naging daan para pasukin niya ang showbusiness at a very young age.

Sa kanyang heydays, itinuring si Ice na child superstar ng kanyang kapanahunan dahil sa kanyang kasikatan at pagkakaroon ng kaliwa’t-kanang film projects noon.

Ani Ice, akala raw niya noon ay walang katapusan ang katanyagang kanyang naranasan.

Noong nagdalaga na raw siya at pumasok sa awkward adolescent age, doon na raw naging matumal ang trabaho para sa kanya.

Ito rin daw iyong panahong namumulat na siya tungkol sa kanyang sexual preference.

Katunayan, noong nasa kanyang pre-teenage years daw siya, naasiwa siya sa pinaggagawa niya sa Eat Bulaga kung saan pinagsusuot siya ng skirts sa show.

Dumating daw siya sa puntong muntik nang malugmok dahil sa depresyong pinagdaanan.

Hindi raw niya naisip noon na makakabawi pa siya mula sa kanyang pagkalaos.

Literally, wala raw siyang trabaho noon pero kung may pursigido man raw na makabalik siya sa dating sigla at maging sa sirkulasyon, ito ay walang iba kundi ang kanyang Nanay Caring.

Kaya raw para magkatrabaho lang ay tumugtog sila sa mga malilit na gig kahit kokonti lang ang mga nanonood.

Tungkol naman sa kanyang sexual orientation, nabunyag lang daw ito nang mahuli siya ng kanyang amang may kasamang babaeng ka-date.

Doon na raw niya ipinagtapat sa mga magulang ang tungkol sa kanyang sekswalidad.

Noon daw ay hindi siya kinakausap ng ama pero nang lumaon ay tinanggap na rin nito ang kanyang pagkatao.

Malaki rin daw ang nagawa ng kanyang hit single na “Pagdating ng Panahon” para muling bumango ang kanyang pangalan at makabalik siya sa sirkulasyon.

Sa kanya namang naging mga jowa, sa asawa raw niyang si Liza Dino boto ang kanyang mga magulang. Archie Liao