Igan, dismayado kay Alex!

Igan, dismayado kay Alex!

January 21, 2023 @ 2:49 PM 6 days ago


Manila, Philippines – Hindi na rin nakatiis si Arnold “Igan” Clavio na nagbigay ng kanyang opinion tungkol sa ginawang pagpahid ni Alex Gonzaga ng icing ng cake sa waiter sa ginanap na birthday nito kamakailan.

Sa post ni Igan sa kanyang Instagram account ay naikuwento niya na ang unang naging trabaho niya ay waiter kaya naka-relate siya sa ginawang pagpahid ng icing ni Alex sa waiter.

Post ni Igan, “Mga Igan, hindi ako natawa at hindi rin ako natuwa sa inasal ng actress na si Alex Gonzaga sa isang waiter noong birthday party niya.

“Aaminin ko, nasaktan ako.

“Bilang dating waiter sa isang fast food restaurant noong nasa kolehiyo. `di ko maatim na hindi mag-react sa maling trato ni Gonzaga sa aking kabaro.

“Yes, mga Igan, halos isang taong mahigit ako na nagsilbing waiter, busboy at cook sa Kentucky Fried Chicken Roxas Boulevard branch noong 1985-1987, kaya gano`n na lang ang respeto ko sa kanila hanggang ngayon.

“Malaki ang naitulong nito sa akin bilang working student para makapagtapos ako sa University of Sto Tomas. Nahubog din ako kung paano makikitungo sa kapwa anuman ang antas niya sa buhay.

“Kaya lagi kong ipinagmamalaki ang aking karanasan bilang waiter sa mga kabataang mag-aaral. Walang hadlang para makamit mo ang iyong pangarap.

“At maging sa mga anak ko, lagi kong ipinapaalala sa kanila kapag kumakain kami sa labas na igalang at tratuhing mabuti ang isang waiter. Kapalit naman niyan ay mabuting serbisyo.”

Payo pa ni Igan kay Alex, “Kitang-kita sa nag-trending na video ni Gonzaga na tila napahiya, nasaktan at na-insulto si Mamang Waiter nang pahiran siya sa mukha ng aktres ng bitbit niyang birthday cake.

“Kilalang kikay bilang komedyante si Gonzaga kaya nagustuhan siya ng marami. Pero lagi niyang isipin na may limitasyon ang lahat at dapat maging maingat dahil ginagawa siyang huwaran ng kabataan.”

Sinabi na ng kampo ni Alex na personal nilang kilala at kaibigan ang nasahing waiter at pinuntahan na rin niya ito at nag-sori.

Samantala, ipinaabot ng batikang TV host/anchor na muling aarangkada ang kanyang Igan Golf Tournament matapos ang dalawang taong pagkatigil dahil sa pandemic. Gerry Ocampo