Ignacio dumalo sa dayalogo ng mga recruitment agency, OFW advocates

Ignacio dumalo sa dayalogo ng mga recruitment agency, OFW advocates

November 7, 2022 @ 3:36 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Malugod na tinanggap ni Overseas Workers Welfare Administration o OWWA Administrator Arnel Ignacio ang ginawang pakikipagdayalogo ng mga recruitment agencies o mga miyembro at opisyal ng Special Alliance of Welfare Officers, Advocates, Recruiters and Migrant Workers Inc. (SWARM) sa mga OFW advocates.

Bilang suporta sa isinusulong ng SWARM, dumalo sa naturang event si Ignacio kung saan ipinahayag niya sa harap ng mga recruitement agencies at mga OFW advocates ang kahalagahan ng mga manggagawang Pinoy sa ating bansa at kontribusyon nila sa ekonomiya.

Sa panayam, sinabi ni Ignacio na welcome statement para sa kanya ang mungkahi ng ilang advocates at ng SWARM na tutulong sila sa pangangalaga sa ating mga OFW partikular na sa Saudi Arabia kung saan tatlong lugar lamang sa naturang bansa ang may POLO offices.

Ayon pa sa kanya, maganda ang hakbang na ito basta’t tama ang magiging proseso at susundin pa rin ang ipinatutupad na batas sa nasabing bansa.

Inihalimbawa pa ng opisyal ang mahigpit na pagpapatupad ng cybercrime law sa Saudi Arabia na hindi basta-basta na makakapag-post sa social media ang manggagawang Pinoy at mga OFWs advocates dahil maari silang kasuhan at arestuhin na mas magpapalala pa sa problema. Cesar Morales