Ika-155 Malasakit Center binuksan sa Ipil, Zamboanga Sibugay

Ika-155 Malasakit Center binuksan sa Ipil, Zamboanga Sibugay

February 27, 2023 @ 3:49 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Personal na dumalo si Senator Christopher “Bong” Go sa paglulunsad ng ika-155 Malasakit Center ng bansa sa Dr. George T. Hofer Medical Center sa Ipil, Zamboanga Sibugay.

Ito na ang ikawalong Malasakit Center sa Zamboanga Peninsula, kasunod ng mga nasa Zamboanga City Medical Center, Mindanao Central Sanitarium, at Labuan General Hospital, lahat sa Zamboanga City; Jose Rizal Memorial Hospital sa Dapitan City; Zamboanga del Norte Medical Center sa Dipolog City; Zamboanga del Sur Medical Center sa Pagadian City at Margosatubig Regional Hospital sa Margosatubig.

Bilang tagapangulo ng Senate committee on health and demography, nangako si Go na titiyaking ang mga programang tulong medikal ng gobyerno ay nakararating sa lahat, partikular sa malalayong komunidad.

Sa kanyang talumpati, sinabi ni Go na batid niya ang mga hamon na kinakaharap ng mga Pilipinong may kakapusan sa pinansiyal, dahilan upang simulan niya ang programang Malasakit Centers noong 2018.

Kalaunan ay na-institutionalize ito sa ilalim ng Republic Act No. 11463, kilala rin bilang Malasakit Centers Act of 2019, na pangunahing iniakda at itinaguyod ni Go sa Senado.

“Congratulations po sa mga kababayan ko rito sa Zamboanga Sibugay, sa mga kababayan kong Sibugaynon sa ating 155th na Malasakit Center na binuksan dito sa inyong provincial hospital. Para po ito sa mga mahihirap at indigent na pasyente. At walang pinipili ito, basta Pilipino ka, qualified ka po sa Malasakit Center. Ayon sa batas, lahat ng DOH-run hospitals ay magkakaroon ng Malasakit Center. Ang provincial hospital naman ninyo ay pumasa sa criteria set by the law, kaya nagkaroon din po ng Malasakit Center (dito),” ayon kay Go.

“Bakit natin kailangang pahirapan ang ating mga kababayan? Pera naman po nila yan. Kaya nilagay natin sa iisang kwarto ang apat na ahensya ng gobyerno — ang DSWD, PCSO, DOH, at PhilHealth — para tumulong sa ating mga kababayan na nangangailangan ng serbisyong medikal,” dagdag niya.

Nakatulong din si Go sa paglalaan ng mga kinakailangang pondo para sa pagpapabuti ng mga serbisyo at pasilidad sa Dr. George T. Hofer Medical Center.

“Sa lahat ng ating frontliners na nandito ngayon, maraming salamat sa inyong serbisyo at malasakit lalo na sa panahon ngayon. Hindi po nababayaran ng kahit anuman po ang inyong sakripisyo. Kaya naman bilang inyong senador, patuloy akong magseserbisyo sa inyo sa abot ng aking makakaya,” ayon sa senador.

Pagkatapos ng inagurasyon, personal na pinangunahan ni Go ang pamamahagi naman ng ayuda sa may 425 manggagawa sa ospital at 95 pasyente.

Namigay din ang senador ng mga bisikleta, cap, payong, cellular phone, relo, at bola para sa basketball at volleyball sa mga piling benepisyaryo.

Ang mga kinatawan naman ng Department of Social Welfare and Development ay nagbigay ng hiwalay na tulong pinansyal sa mga pasyente.

“Ang pakiusap ko lang naman po sa ating mga social worker at sa medical chief (Dr. Sherwin Bastero), sa lahat po ng mga medical workers na nandito, unahin po natin ‘yung mga kababayan nating mahihirap. Itong Malasakit Center, para po ito sa mga poor and indigent patients, sa mga mahihirap nating kababayan na walang matakbuhan, walang malapitan. Tulungan po natin sila, ‘yun lang po ang pakiusap ko sa inyong lahat,” giit ni Go.

Bukod sa Malasakit Centers, si Go rin ang nagsumikap na mapatayuan ng anim na Super Health Centers ang lalawigan.

Sa pamamagitan ng kanyang inisyatiba, may 307 Super Health Centers ang napondohan noong 2022.

Matagumpay din niyang naisulong ang pagpopondo pa sa hindi bababa sa 322 pang SHC ngayong taon. RNT