Ika-5 taon ipinagdiwang sa VSMMC sa Cebu City; MALASAKIT CENTER MALAKING TAGUMPAY – GO

Ika-5 taon ipinagdiwang sa VSMMC sa Cebu City; MALASAKIT CENTER MALAKING TAGUMPAY – GO

February 12, 2023 @ 2:34 PM 1 month ago


NAKAPAGSERBISYO na sa mahigit 7 milyong Filipino, ikinatuwa ni Senator Christopher “Bong” Go ang malaking tagumpay ng programang Malasakit Center na nagdiriwang ngayon ng ikalimang anibersaryo.

Noong Biyernes, binisita ni Sen. Go ang Vicente Sotto Memorial Medical Center (VSMMC) sa Cebu City, kung saan itinatag ang kauna-unahang Malasakit Center sa bansa noong 2018.

Sa kanyang talumpati, ibinahagi ni Go na ang personal na pagsaksi sa pakikibaka ng mga Pilipinong may problema sa pananalapi upang makakuha lamang ng abot-kayang serbisyong pangkalusugan ay nagtulak sa kanya na ituloy, sa abot ng kanyang kakayahan, ang mga hakbang na magpapalakas sa health sector sa bansa.

Bago pa man maging senador, sinimulan na ni Go ang Malasakit Centers program noong 2018 bilang Special Assistant ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. Ang unang center ay binuksan sa VSMMC noong Pebrero 12 ng nasabing taon.

Naisip ng senador na gawing one-stop shop ang Malasakit Center kung saan ang mga ahensya, tulad ng Department of Social Welfare and Development, Department of Health, Philippine Health Insurance Corporation, at Philippine Charity Sweepstakes Office, ay pinagsama-sama sa iisang bubong upang ang mga programang tulong medikal ay maabot ng mahihirap na pasyente.

“Simula noong ako ay nagtatrabaho para kay (dating Davao City) Mayor (Rodrigo) Duterte noong 1998, nakita ko na ang daming humihingi sa kanya ng tulong kahit hindi sila taga-Davao. Kahit po mga taga-Cebu, humihingi rin ng tulong medikal kay (dating) Pangulong Duterte. Ubos ang oras nila sa kakahingi ng tulong sa iba’t ibang opisina,” shared Go.

“Kaya itinaguyod natin ang Malasakit Center para sa mga Pilipino. Bakit natin pahihirapan ang Pilipino? Eh pera naman nila yan. Basta Pilipino ka, pumunta ka sa Malasakit Center. Walang pinipili ang programa na Malasakit Center,” idiniin ni Go.

Kaya noong naging senador, matagumpay na itinulak ni Go ang institusyonalisasyon ng programa sa ilalim ng Republic Act No. 11463 na pangunahin niyang iniakda at pinirmahan ni dating Pangulong Duterte noong 2019.

Mula nang maitatag ang unang Malasakit Center, limang taon na ang nakararaan, mayroon na ito ngayong 154 sangay at nakatulong na sa mahigit pitong milyong Pilipino sa buong bansa. Ang mahigit 700,000 pasyenteng natulungan ay sa VSMMC.

Bilang bahagi ng pagdiriwang ng anibersaryo, namahagi si Go ng relief items, tulad ng grocery packs, bitamina, masks, pagkain, payong, at kamiseta sa 441 empleyado ng VSMMC at 13 pasyente. Namigay rin ang senador ng mga bisikleta, cellular phone, sapatos, at relo sa mga piling benepisyaryo.

“Nais kong pasalamatan ang ating medical frontliners na nandito po ngayon. Maraming salamat sa inyong patuloy na sakripisyo at pag-aalaga sa lahat ng pasyente dito sa VSMMC,” pahayag ni Go.

Pinuri rin ni Go ang VSMMC sa kanilang serbisyo at pagkilalang natanggap. Noong 2019, nakatanggap ang VSMMC ng dalawang internasyonal na parangal, kabilang ang “Dr. Kwang Tae Kim Grand Hospital Bronze Award” at ang “Seddiqi Holding Excellence for Corporate Social Responsibility Award” noong ika-44 na World Hospital Congress ng International Hospital Federation (IHF) sa Barcelona, ​​Spain. RNT