Ika-6 linggong malakihang oil price hike, ipatutupad

Ika-6 linggong malakihang oil price hike, ipatutupad

February 7, 2022 @ 12:16 PM 8 months ago


MANILA, Philippines – Muling magpapatupad ng malakihang dagdag presyo sa mga produktong petrolyo ang mga kompanya ng langis sa bansa epektibo bukas.

Sa ika-anim sunod na linggo ay magpapatupad ng oil price hike ang mga kompanya ng langis sa bansa na pinangunahan ng Pilipinas Shell, Petron Coroporation, Seaoil, PTT Philippines, Total Philippines, Unioil, Petro Gazz at Phoenix Petroleum ang dagdag presyo na P1.05 sa kada litro ng gasolina, P1.20 sa kada litro ng diesel habang nasa P1.25 naman sa kada litro ng kerosene epektibo alas-6 ng umaga.

Nagpatupad din ng dagdag presyo sa mga produktong petrolyo sa kahalintulad na halaga ang kompanyang Caltex (CPI) na ipinatupad alas-12:01 ng madaling araw habang ang kompanyang Cleanfuel ay magiging epektibo alas-4:01 ng hapon.

Ang isinagawang malakihang dagdag presyo sa mga produktong petrolyo ay bunsod sa patuloy na paggalaw ng presyuhan nito sa pandaigdigang merkado.

Matatandaan na nito lamang nakaraang linggo ay nagpatupad ng malakihang dagdag presyo sa mga produktong petrolyo ang mga kompanya ng langis sa bansa na P0.75 sa kada litro ng gasolina at diesel habang nasa P0.45 sa kada litro naman ng kerosene. JAY Reyes