Ika-6 na Regional Pre-SONA Series idinaos sa Baguio City

Ika-6 na Regional Pre-SONA Series idinaos sa Baguio City

June 2, 2021 @ 7:47 PM 2 years ago


MANILA, Philippines – Pinangunahan ni Cabinet Secretary Karlo Nograles ang matagumpay na pagdaraos ng ika-anim na yugto ng Kasama Sa Pamana: Regional Pre-SONA Series na isinagawa sa Baguio City nitong Hunyo 1, 2021 na dinaluhan ng mga matataas na opisyal mula sa national government agencies, local chief executives, at iba pang stakeholders.

Ang Pre-SONA forum na idinaos sa Baguio Convention Center ay bahagi ng paghahanda para sa ika-anim at huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa Hulyo 2021, sa pakikipagkatulungan ng Office of the Cabinet Secretariat (OCS) at Presidential Communications Operations Office (PCOO), at pakikipagkatuwang ng National Economic and Development Authority (NEDA), Regional Development Councils (RDCs), chairpersons ng Cabinet Clusters, mga miyembro ng Gabinete at Office of the Executive Secretary.

Nilalayon ng Pre-SONA na ipabatid sa mga Pilipino sa bawat rehiyon ang mga magagandng programa at malalaking proyekto na nagawa ng kasalukuyang administrasyon, gayundin ang patuloy na ginagawa ng pamahalaan sa nalalabing taon nang panunungkulan ng Pangulong Duterte. Kinatampukan din ito ng komprehensibong ulat tungkol sa mga hakbanging ginagawa upang matugunan ang nagpapatuloy na Covid-19 pandemic sa ilalim ng National Vaccination Deployment Plan (NVDP).

Bilang host city, malugod na tinanggap ni Mayor Benjamin Magalong ang lahat ng mga panauhin at stakeholders ng gobyerno na nakilahok sa naturang pagtitipon upang matunghayan ang iba’t ibang accomplishments ng gobyerno sa CAR.
Nakasama ni Nograles sina Agriculture Secretary William Dar, na nakatalaga ring Cabinet Officer for Regional Development and Security (CORDS) sa Cordillera Administrative Region (CAR), PCOO Undersecretary and PIA Director-General Ramon Cualoping III, at DOH Regional Director Dr. Amelita Pangilinan na pare-parehong nagsilbing mga resource person.

Isa-isang tinalakay opisyal ng Malacañang, na namumuno rin ng Task Force Zero Hunger, ang mga hakbang na ginagawa ng gobyerno na hangaring maibsan ang kagutuman at malnutrisyon sa bansa.

“Kabilang na dito ang pagkakalikha natin ng National Food Policy, pagpapalawig ng saklaw ng Enhanced Partnership Against Hunger and Poverty (EPAHP) program sa mga kanayunan, paglulunsad ng complementary feeding program para sa mga buntis na kababaihan at mga batang kulang sa nutrisyon na pangunahing sanhi ng kanilang pagkabansot, at pagsasagawa ng KUMAIN webinars upang maging kabahagi natin ang lahat ng sektor sa pagbuo ng NFP,” paliwanag ng Kalihim ng Gabinete.

Nakipag-ugnayan din umano ang Task Force sa Pilipinas Kontra Gutom (PKG) na binubuo ng mga pribadong sektor upang maging katuwang ng pamahalaan sa pagtugon sa mga isyung may kaugnayan sa kagutuman.

“Nakipagsanib-pwersa tayo sa mga pribadong sektor, sa pamamagitan ng whole-of-nation approach upang mas paigtingin ang adbokasiya nating mawakasan ang kagutuman sa iba’t ibang panig ng bansa. Kailangan nating magtulungan upang mapagtagumpayan itong laban kontra gutom at malnutrisyon sapagkat hindi ito makakayang gawing mag-isa ng gobyerno.” Kris Jose