Ika-71 biktima, namatay sa Dengvaxia – PAO

Ika-71 biktima, namatay sa Dengvaxia – PAO

July 19, 2018 @ 4:57 PM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Muling isinisi ng Public Attorney’s Office (PAO) sa Dengvaxia vaccine ang pagkamatay ng ika-71 na bata, ayon sa record na inilabas ni Atty. Persida Acosta kahapon.

Ayon kay Acosta, ang huling biktimang namatay ay naitala sa Metro Manila, isang araw nang mamatay din ang ika-70 biktima.

“Common patterns of signs and symptoms pa rin po ito: sakit ng ulo, sakit ng katawan, nahihirapang huminga,” aniya.

Ayon kay Acosta, ang isang bata na namatay sa Laguna matapos mabakunahan ng Dengvaxia ay kaisa-isang anak ng kanyang magulang.

“Itong mga ito, kahit anong gawin po ng mga doktor, lalo na kung talong talo ng immunity system nila ay tuloy-tuloy na po sa pag-comatose hanggang sa mamatay,” sabi ng PAO chief.

Ibinunyag niya na may mga magulang na sinasabing nabigyan ng P50,000 financial aid ng Department of Health (DOH) ang pinapirma sa isang waiver na nagsasabing walang kinalaman sa bakuna ang pagkamatay ng kanilang anak.

Nanawagan siya sa Health department na magdeklara ng health emergency sa isyu upang ang sunod-sunod na pagkamatay ng mga naturukan ng Dengvaxia ay mapigil.

“Kinakalampag natin ang dapat kalampagin na sagipin po ang mga batang buhay” ani Acosta. (Nats Taboy)