Ikalawang F2F nationwide earthquake drill ikinasa ng NDRRMC

Ikalawang F2F nationwide earthquake drill ikinasa ng NDRRMC

November 10, 2022 @ 4:57 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Nagsagawa ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Huwebes, Nobyembre 10 ng 4th Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED).

Ito ay ikalawang beses na isinagawa ito ng face-to-face na matagal ding naudlot dahil sa banta ng COVID-19.

Sa ulat, isinagawa ang drill sa Paranaque City Fisherman’s Wharf upang subukin ang Tsunami Contingency Plan at evacuation procedures sa oras na may tumamang magnitude 8.3 na lindol.

Kabilang dito ang mga eksena kung saan may inililigtas na mga mangingisda at nagkaroon din ng aerial rescue gamit ang isang helicopter.

“By simulating a tsunami scenario based on a hypothetical Magnitude 8.3 earthquake, we shall be able to assess our preparedness and capability to mount a coordinated and effective response to minimize potential losses in lives and properties in such an eventuality.” pahayag nu Parañaque City Mayor Eric Olivarez.

Ang naturang aktibidad ay ipinakita ng Philippine National Police MARIG, Philippine Coast Guard, at Philippine Air Force.

Kabilang din sa mga ahensyang nakilahok sa nationwide earthquake drill ay ang Department of National Defense (DND), Department of Science and Technology (DOST), Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Social Welfare and Development (DSWD), National Economic and Development Authority (NEDA), Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) at Paranaque City government.

Maliban sa lungsod ng Paranaque, nagkaroon din ng earthquake drill sa iba’t ibang bahagi ng bansa katulad na lamang sa lungsod ng San Juan sa pamamagitan ng pagpapakita ng air medical evacuation at rappel.

Nanawagan naman si NDRRMC Executive Director and Undersecretary Raymundo Ferrer sa publiko na patuloy na makilahok sa mga gagawin pang earthquake drill sa mga susunod na buwan.

“Patuloy ko kayong pinapaaalalahanan na makiisa palagi sa mga pambansang mga pagsasanay pati rin sa mga aktibidad sa inyong komunidad na layong palakasin ang inyong katatagan at kahandaan,”ani Ferrer. RNT/JGC