Ikalawang ‘middleman’ sa Lapid slay case dumipensa

Ikalawang ‘middleman’ sa Lapid slay case dumipensa

November 11, 2022 @ 2:48 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Itinanggi ng sinasabing ikalawang middleman na may kinalaman siya sa pagpatay sa brodkaster na si Percy Lapid.

Ito ang nakasaad sa kontra salaysay na isinumite ng inmate na si Christopher Bacoto sa Department of Justice kaninang umaga, Nobyembre 11 sa pagpapatuloy ng preliminary investigation sa kasong murder kaugnay sa pagpatay kay Lapid at sa umano’y unang middleman na si Jun Villamor.

Ayon sa abugado ni Bacoto na si Atty. Salvador Quimpo, pinabulaanan nito ang salaysay ng self-confessed gunman na si Joel Escorial na nagkausap silang dalawa.

Imposible aniya ang sinasabi ni Escorial dahil apat na taon nang nakakulong si Bacoto sa high detention facility at tanging kamag-anak o abugado lamang ang maari nitong makausap.

Bagaman kilala aniya ni Bacoto si Escorial dahil kapwa sila tubong Leyte, hindi pa sila kailanman nag-uusap.

Kinuwestyon din ng kampo ni Bacoto kung bakit dalawang magkaibang salaysay ang isinumite ni Escorial. Teresa Tavares