Ikalawang middleman sa Lapid slay, ligtas – SPD

Ikalawang middleman sa Lapid slay, ligtas – SPD

October 21, 2022 @ 2:05 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Inihayag ni Southern Police District Director Brig. Gen. Kirby John Brion Kraft na ang ikalawang middleman sa pagpatay sa mamamahayag na si Percival Mabasa alyas Percy Lapid ay tukoy na at nasa ligtas na pangangalaga ng Bureau of Jail Management and Penology.

Aniya, ang ikalawang middleman ay isang inmate ng BJMP at hindi convicted.

Matatandaan na ikinanta ng self-confessed gunman na si Joel Escorial ang anim na indibidwal na pinaniniwalang nasa likod ng pagpatay kay Lapid kabilang na ang dalawang middleman na kumontrata sa kanila para gawin ang krimen.

Makaraan ang balitang pagkasawi ng unang middleman, siniguro ng hepe ng SPD na ligtas ang ikalawang middleman sa loob ng pasilidad ng BJMP.

Agad umano nilang ipinag-utos ang mas mahigpit na pagbabantay dito kasunod ng pagkamatay ni Crisanto Villamor sa ospital ng New Bilibid Prison. RNT/JGC