Ikatlong highway sa Candaba viaduct ikakasa ng NLEx Corp

Ikatlong highway sa Candaba viaduct ikakasa ng NLEx Corp

December 1, 2022 @ 9:02 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Plano ng operator ng North Luzon Expressway (NLEx) na magtayo ng ikatlong highway sa tabi ng dalawang 5.3-kilometrong viaduct na nagtutulay sa Candaba swampland sa pagitan ng Bulacan at Pampanga.

Nauna nang iminungkahi ni Deputy Speaker at Pampanga Third District Rep. Aurelio “Dong” Gonzales Jr. ang pagtatayo ng mga bagong mahahabang tulay upang palitan ang 46-anyos na mga viaduct dahil sa safety concerns.

Aniya, bukod sa libu-libong motorista at commuter, bilyun-bilyong pisong halaga ng mga kalakal ang dinadala sa pagitan ng National Capital Region at central at hilagang Luzon sa pamamagitan ng NLEX, kung saan bahagi ang mahahabang elevated na tulay sa 30-meter deep na Candaba swamps.

Ang mga opisyal ng NLEX Corp., sa pangunguna ng abogadong si Romulo Quimbo Jr., ay nagpahayag sa pagpupulong na ang ikatlong daanan ay gagawin sa pagitan ng dalawang umiiral nang northbound at southbound viaducts.

Sinabi nila na ang konstruksyon sa six-lane road ay inaasahang magsisimula sa unang quarter ng 2023 at matatapos sa 2024 o unang bahagi ng 2025. RNT