Ikatlong rollback ngayong Disyembre, ipatutupad

Ikatlong rollback ngayong Disyembre, ipatutupad

December 12, 2022 @ 12:06 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Magandang balita ang hatid ng mga kompanya ng langis sa bansa dahil muli silang magpapatupad ng malakihang bawas presyo sa mga produktong petrolyo epektibo bukas.

Sa abiso ng mga kompanya ng langis na pinangunahan ng Pilipinas Shell, Petron Corporation, Seaoil, PTT Philippines, Total Philippines, Unioil, Petro Gazz at Phoenix Petroleum, magpapatupad ng bawas presyo na P1.70 sa kada litro ng gasolina, P3.40 sa kada litro ng diesel at P4.40 sa kada litro ng kerosene epektibo alas-6 ng umaga.

May bawas presyo din sa kahalintulad na halaga ng mga produktong petrolyo ang kompanyang Caltex (CPI) na magiging apektibo alas-12:01 ng madaling araw at CleanFuel na magiging epektibo alas-8:01 ng umaga.

Ang ipatutupad na bawas presyo sa mga produktong petrolyo ay bunsod sa patuloy na paggalaw ng presyuhan nito sa pandaigdigang merkado.

Ito na ang ikatlong sunod na bawas presyo ngayong buwan ng Disyembre makaraang magpatupad din sila ng rollback nitong nakaraang linggo na P1.95 sa kada litro ng gasolina, P1.90 sa kada litro ng diesel at P1.65 sa kada litro ng kerosene. JAY Reyes