Ikatlong walk-in Manila COVID-19 testing center binuksan

Ikatlong walk-in Manila COVID-19 testing center binuksan

July 29, 2020 @ 12:50 PM 4 months ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines – Pinasinayaan na ngayong umaga ang ikatlong libreng walk-in COVID-19 testing center na ihahandog para sa mga residente at hindi residente sa lungsod ng Maynila.

Pinangunahan ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso at Vice Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan ang pagbubukas ng ikatlong testing center sa Justice Jose Abad Santos General Hospital kung saan inilagay ang ikaapat na biniling serology machine na gawa ng Abbott.

Ayon kay Domagoso, kaya umanong magsuri ng 400 hanggang 500 indibidwal sa nasabing testing site ngunit nasa halos 300 muna umano ang gagawin nilang pagsusuri dahil simula pa lamang ang kanilang operasyon sa JJASGH.

Dagdag pa ng alkalde, susunod na lagyan ng walk-in COVID-19 testing center ang Ospital ng Tondo na mas malapit na lugar kung saan may pinakamaraming naitalang kumpirmadong kaso ng nasabing sakit sa lungsod.

“Hangga’t may pera libre ito, weather it is for peace of mind or work, available ito para sa lahat.

“Hangga’t may pandemya, it is universal problem, maliit na share ito ng local government sa national,” paliwanag ni Domagoso.

Nauna nang inilunsad ng lokal na pamahalaang lungsod ng Maynila ang walk-in testing centers sa Ospital ng Sampaloc at Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center.

Bukod sa mga walk-in testing center ay mayroon pang hinandog na libreng drive-thru testing centers sa tapat ng Andres Bonifacio Monument at Quirino Grandstand gayundin ang dalawang mobile testing trucks na magpupunta sa bawat barangay sa lungsod na itinuturing na may mataas na bilang ng sakit na COVID-19. Jay Reyes


  •  
  •  
  •  

Loading...