Ikinulong na 4 Chinese national na-rescue sa Parañaque, 3 supek arestado

Ikinulong na 4 Chinese national na-rescue sa Parañaque, 3 supek arestado

April 30, 2022 @ 11:00 AM 11 months ago


MANILA, Philippines- Apat na Chinese national na diumano’y iligal na ikinulong sa isang establisimiyento ng POGO ang na-rescue ng mga tauhan ng Parañaque City police nitong Huwebes sa lungsod.

Kinilala ni Southern Police District (SPD) director P/Brig. Gen. Jimili L. Macaraeg ang mga nai-rescue na biktima na sina Zhang Dedi, 26; Mo Jun Feng, 33; Chen Shi Ying, 25; at Huang Zhi Ping, 32, pawang mga Chinese national.

Arestado naman sa isinagawang rescue operation ang tatlong suspek na sina Henry Saputra, 33, Indonesian national; Jacky Chen, 25, Chinese national; at isang babae na si Luo Bo, 26, Chinese National, na ang lahat ay pawang pinaghihinalaang hindi tunay na pangalan.

Base sa report na isinumite kay Macaraeg, dakong alas-11:30 ng gabi nang ikinasa ng mga tauhan ng Parañaque City police ang kanilang rescue operation na isinagawa sa First Great Place Technologies na matatagpuan sa Pascor Drive, Brgy. Santo Niño, Parañaque City.

Nag-ugat ang pagsasagawa ng rescue operation makaraang mag-report ang live-in partner ni Dedi na nakilalang si Yellah Monares y Tenorias na humingi ng police assistance sa pagkawala ni Dedi noon pang Marso 31, 2022.

Bago maganap ang resuce-operation ay nagkaroon ng pagkakataon si Dedi na makatawag sa celfone kay Monares kung saan kanyang ikinuwento na sapilitan siyang pinagtrabaho sa First Great Place Technologies bilang POGO worker ng walang sweldo.

Matapos makakuha ng impormasyon ang pulisya kay Monares ay agad na ikinasa ng mga tauhan ng Parañaque City police ang rescue operation na nagdulot sa pagkakaaresto naman ng mga suspects.

“Despite our warning, foreign nationals continue to get involved in unlawful detention incidents. It is high time that we strengthen collaboration with our foreign agency counterparts and intensify our intelligence gathering to diminish these scheming plans and address kidnapping/illegal detention incident and other forms of lawlessness particularly victimizing their compatriots,” ani Macaraeg.

Nakatakdang sampahan ng kasong serious illegal detention sa Parañaque City prosecutor’s office ang mga suspects na kasalukuyan namang nakapiit sa custodial facility ng Paranaque City police. James I. Catapusan