Ilan sa 433 nanalo sa grand lotto kumubra na

Ilan sa 433 nanalo sa grand lotto kumubra na

October 3, 2022 @ 5:41 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Kumubra na ng papremyo ang ilan sa 433 na mga nanalo sa Grand Lotto 6/55 draw noong Sabado, Oktubre 1.

Sa ulat ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ngayong Lunes, Oktubre 3 ay dumagsa na ang ilan sa mga mananaya na nanalo.

Maghahati-hati sila sa P236.091 milyon o tinatayang tig-P500,000 bawat isa.

“Nagpapasalamat po ako sa PCSO na marami kaming nabibiyayaan ng Jackpot Prize. Nagbiyahe po ako ng sampung oras upang makarating dito at makuha ang aking napanalunan. Tumataya po talaga ako ng pattern 9, pattern 8, pattern 7 at pattern 6 sa loob ng maraming taon at ako’y nagpapasalamat na ngayon ay napanalunan ko na,” pahayag ng isang mananaya.

Naglabas rin ang PCSO ng larawan ng ilang kumubra na hawak ang kanilang winning tickets.

Matatandaan na kagabi ay inilabas rin ng ahensya ang bilang ng mga nanalo mula Metro Manila at sa iba pang bahagi ng bansa.

Umani naman ng sari-saring reaksyon ang insidenteng ito na ayon sa iba ay tila may iregularidad sa dami ng mga nanalo.

Nanindigan naman si PCSO General Manager Melquiades Robles na walang iregularidad sa naturang draw. RNT/JGC