Ilang drayber ng Carousel na naniningil ng pamasahe, iimbestigahan ng LTFRB

Ilang drayber ng Carousel na naniningil ng pamasahe, iimbestigahan ng LTFRB

December 4, 2022 @ 10:50 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Sinabi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) nitong Sabado, Disyembre 3 na iimbestigahan nila ang mga ulat na ilan sa mga bus drivers ng EDSA Carousel ay nangongolekta pa rin ng pamasahe mula sa mga mananakay.

Matatandaan na kasalukuyan umiiral ang implementasyon ng Libreng Sakay program ng pamahalaan 24/7 sa mga bus na dumadaan sa EDSA busway sa kabuuan ng Disyembre.

“Iimbestigahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang mga balita na naniningil pa rin ang mga PUB (public utility bus) drivers sa Edsa Busway,” pahayag ng LTFRB.

Hinimok din nito ang publiko na magsumbong sa mga tauhan ng Inter-Agency Council on Traffic (I-ACT) na nakapwesto sa mga bus stations kung sila ay sisingilin ng pamasahe ng sinakyang Carousel bus.

Dagdag pa, bubusisiin din ng LTFRB ang balita ng kakulangan ng mga bus na bumibyahe sa EDSA Carousel.

“Kaugnay naman sa umano’y kakulangan ng PUB (public utility buses) sa Edsa Busway, kung saan inirereklamo ang matagal na paghihintay sa mga pasahero, patuloy ang pag-monitor ng LTFRB sa mga istasyon ng Edsa Busway upang matukoy ang mga lugar na mataas ang passenger demand at matugunan ito,” dagdag pa.

Ayon sa DOTR, mayroong 100 bus ang bumibyahe sa EDSA Busway mula 11:01 ng gabi hanggang 3:59 ng madaling araw samantala 650 bus naman ang bumibyahe mula ala-4 ng madaling araw hanggang ala-11 ng gabi. RNT/JGC