Ilang Ferrari cars pinababalik sa depektibong preno

Ilang Ferrari cars pinababalik sa depektibong preno

April 25, 2022 @ 8:05 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Naglabas ang Italian luxury carmaker na Ferrari ng recall plan kasama ang Chinese regulators hinggil sa mga potensyal na problema sa preno sa mga sasakyan nito, saad sa isang anunsyo.

Apektado ng recall ang 2,222 sasakyan dahil sa isyu ng brake fluid, sabi ng abiso ng State Administration for Market Regulation (SAMR) ng China.

Ang bilang na ito ay halos ang kabuuang bilang ng mga kotseng ibinebenta ng Ferrari sa mainland China, Hong Kong at Taiwan sa nakalipas na tatlong taon, batay sa taunang ulat ng kumpanya.

“Vehicles covered by this recall… could see a higher risk of brake fluid leakage, resulting in reduced braking performance or brake failure, posing a safety hazard,” sabi ng SAMR.

Sakop ng recall ang isang bahagi ng imported na 458 Italia, 458 Speciale, 458 Speciale A, 458 Spider, 488 GTB at 488 Spider series na mga kotse na ginawa sa pagitan ng Marso 2, 2010 at Marso 12, 2019, dagdag pa ng regulator sa anunsyo.

Idinagdag nito na ang mga sasakyang ito ay dapat magmaneho nang may pag-iingat, at dapat na ihinto kaagad kung may lalabas na ilaw bialng warning signal para sa mababang brake fluid level.

Papalitan ng Ferrari ang mga piyesa ng kotse nang walang bayad para sa mga kotseng sakop ng recall, dagdag pa sa abiso.

Magsisimula ang recall sa Mayo 30.

Inihayag din ng state market regulator ngayong buwan ang pagbawi ng US electric car giant na Tesla ng halos 128,000 na sasakyan sa China dahil sa isang pagkakamali na maaaring magpataas ng panganib ng banggaan ng sasakyan. RNT