Ilang gov’t officials makikipagpulong sa mga recruitment agency

Ilang gov’t officials makikipagpulong sa mga recruitment agency

January 30, 2023 @ 2:44 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Makikipagpulong ang ilang mga opisyal ng gobyerno sa mga recruitment agency para pag-usapan ang mga pamamaraan na dapat gawin upang masiguro ang kapakanan ng overseas Filipino workers (OFWs).

“This afternoon, we will be having a consultation meeting with all the recruitment agencies at the DMW (Department of Migrant Workers) upon the call of Secretary Toots Ople,” pagbabahagi ni Rep. Ron Salo, chairman ng House Committee on Overseas Workers Affairs sa panayam ng CNN Philippines nitong Lunes, Enero 30.

Aniya, layunin ng pagpupulong na makabuo ng iba’t ibang mga suhestyon upang mapabuti ang monitoring process sa mga OFW.

Kasunod ito ng nangyaring pagpatay sa domestic helper sa Kuwait na si Jullebee Ranara, kung saan ang sunog na bangkay nito ay natagpuan sa disyerto sa nasabing bansa.

Ang suspek na 17-anyos ay anak ng employer ni Ranara.

Samantala, nagpadala na rin ang DMW ng team nito na tututok sa naturang kaso.

Maliban dito, nanawagan din ang ilang mga mambabatas na magpataw ng deployment ban sa Kuwait dahil sa pangyayaring ito, ngunit para kay Salo, kailangan na balansehin ang epekto ng ban.

Aniya, may nasa 250,000 OFWs ang nagtatrabaho sa Kuwait na posibleng maapektuhan kung isasagawa ito. RNT/JGC