Ilang healthworkers wala pa ring ‘One Covid’ allowance – PHAPI

Ilang healthworkers wala pa ring ‘One Covid’ allowance – PHAPI

June 16, 2022 @ 8:09 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Ibinuking ni Private Hospitals Association of the Philippines president Dr. Jose Rene de Grano na may ilang mga healthcare worker sa ilang pribadong ospital ay hindi nakatanggap ng kanilang ‘One Covid’ allowance.

Sa isang panayam sa telebisyon, ibinunyag ni de Grano na mayroong mga healthcare worker mula sa mga pribadong ospital na naghihintay pa rin ng kanilang mga benepisyo, at halos kalahati sa kanila ay umalis sa kanilang mga trabaho para sa mga oportunidad sa trabaho sa ibang bansa.

“Supposedly, na-release na ‘yan ng DBM [Department of Budget and Management]. Nagtataka po kami hanggang ngayon ‘di pa rin nare-receive ng different hospitals natin,” aniya pa.

Nauna rito, sinabi ng Palasyo na nakapaglabas na ang DBM ng humigit-kumulang P7.9 bilyon para sa allowance ng mga healthcare worker na nagsilbing front-liners sa pagtugon laban sa coronavirus disease 2019 (Covid-19) ng bansa.

Sa parte naman ng Department of Health, bukas sila sa pagsusumite ng PHAPI ng mga pangalan ng health workers na hindi pa nabibigyan ng allowance para agad itong matugunan. RNT