Ilang kalsada sa Pasay, isasara para sa prusisyon ng Sto. Niño sa Enero 29

Ilang kalsada sa Pasay, isasara para sa prusisyon ng Sto. Niño sa Enero 29

January 28, 2023 @ 12:48 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Ipasasara ng lokal na pamahalaan ng Pasay ang ilang kalsada sa lungsod upang bigyang-daan ang pagsasagawa ng prusisyon ng Sto. Niño sa Linggo (Enero 29).

Ayon kay Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano, pansamantalang hindi na muna papapasukin ang mga motorista sa F.B. Harrison St. mula Buendia hanggang EDSA at Arnaiz Avenue mula Roxas Bouevard mula alas-11 ng umaga hanggang sa takdang oras na matapos ang prusisyon ng Sto. Niño.

Magsisimula ang prusisyon ng Sto. Niño alas-3 ng hapon at aalis sa Pasay City Hall kung saan babaybayin ang F.B. Harrison patungong EDSA, babaybayin ang EDSA at kakanan ng Roxas Boulevard at kakaliwa ng Buendia papuntang Liwasang Ipil-ipil sa lungsod.

Sinabi ni Calixto-Rubiano na ang imahen ng Sto. Niño ay dinala sa Pasay City Hall noong Enero 15 at nanatili ito ng tatlong araw bago ito inilipat sa Pasay City Astrodome kung saan nagkaroon ng misa at novena na pinangunahan ni Bishop Leopoldo C. Jaucian ng Diocese of Bangued.

Dagdag pa ni Calixto-Rubiano na mahigit 100 imahen ng Sto. Niño ang naka-display sa Pasay City Astrodome na binuksan sa publiko nitong Enero 19 mula ala-1 ng hapon hanggang alas- 9 ng gabi. James I. Catapusan