Ilang LGU sa NCR, balik-F2F class na!

Ilang LGU sa NCR, balik-F2F class na!

March 8, 2023 @ 4:41 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Dahil sa pagtatapos ng isang linggo sana na tigil-pasada ng mga pampasaherong jeepney at UV express, inanunsyo na rin ng ilang local government units (LGUs) sa Metro Manila na balik na ang face-to-face classes sa mga paaralan.

Sa abiso, sinabi ng mga LGU ng Quezon City, Pasig City, Malabon City, Las Pinas, at Paranaque City na balik na ang face-to-face classes simula bukas, Marso 9.

Samantala, inanunsyo rin ng Ateneo de Manila University (ADMU) na nagbabalik na rin ang onsite classes sa Loyola Schools mula Marso 9 hanggang 11, iba sa nauna nilang inanunsyo kamakailan.

Matatandaan na Martes ng gabi, Marso 7 ay nakipagkita ang lider ng mga transport groups kay Presidential Communications Office (PCO) Secretary Cheloy Garafil — na dating hepe ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board.

Kaugnay nito, siniguro naman ng pamahalaan na papakinggan nila ang hinaing ng mga operators at drivers.

Bilang tugon, inanunsyo ng grupong PISTON at MANIBELA na itigil na nila ang itinakdang tigil-pasada at hindi na tatapusin ang nakatakda sanang hanggang Marso 12 na transport strike. RNT/JGC