Ilang lugar na may COVID sirit, binabantayan ng DOH

Ilang lugar na may COVID sirit, binabantayan ng DOH

April 12, 2022 @ 9:42 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Ilang lugar sa bansa ang binabantayan ngayon ng Department of Health matapos makita ang pagtaas ng mga impeksyon sa COVID-19, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire nitong Lunes.

Tinukoy ni Vergeire na may ilang lugar tulad ng Basilan at Batanes ang tumaas ng growth rate sa kaso ng COVID-19 pero idiniin niya na ang mga lalawigang ito ay nagkaroon lamang ng kaunting pagtaas sa mga kaso.

“Kapag tinignan natin sa kabuuan, ‘yung trend, hindi naman nabago ang kanilang average daily attack rate (ADAR). Hindi na-sustena rin ang pagtaas ng mga kaso,” paglilinaw naman niya.

Dagdag pa, sinabi ni Vergeire na ang lahat ng mga rehiyon ay nasa minimal health risk para sa COVID-19, kung saan ang ADAR sa buong bansa at lahat ng mga rehiyon ay mas mababa sa 1.

Ang ADAR ay tumutukoy sa insidente na nagpapakita ng average na bilang ng mga bagong kaso sa isang panahon bawat 100,000 tao.

Ipinunto din ni Vergeire na habang ang paggamit ng pangangalagang pangkalusugan sa buong bansa ay mas mababa sa 20%, ang ilang mga intensive care unit (ICU) ay mayroon lamang mas mataas na rate ng paggamit dahil sa mababang bilang ng mga kama na magagamit.

“May mga binabantayan tayong ibang mga areas ngayon na medyo tumataas ang pagka-admit dito sa ating mga ICU. But upon analysis, nakita po natin ‘yung mga areas kakaunti lang ang kama sa kanilang ICUs kaya madaling napupuno,” aniya pa.

Iniulat ng DOH noong Lunes na sa 2,951 intensive care unit (ICU) beds, 542 o 18.4% ang okupado. Samantala, 4,045 o 16.4% ng 24,689 non-ICU COVID-19 bed ang nagamit. RNT