Ilang lugar sa bansa, niyanig ng lindol

Ilang lugar sa bansa, niyanig ng lindol

March 18, 2023 @ 9:00 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Niyanig ng magnitude 5.1 na lindol ang Ilocos Norte nitong Biyernes ng gabi, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

Batay sa initial bulletin ng ahensya, tumama ang tectonic quake 39 kilometro northwest ng munisipalidad ng Burgos dakong alas-9:23 ng gabi. May lalim itong 12 kilometro.

Naitala ang sumusunod na instrumental intensities gamit ang intensity meter na sumusukat sa ground acceleration:

  • Intensity III – Pasuquin, Batac and Laoag,Ilocos Norte

  • Intensity I – Sinait and Vigan City, Ilocos Sur

Posibleng magkaroon ng aftershocks, subalit walang inaasahang pinsala, base sa Phivolcs.

Gayundin, dakong alas-9:56 nang tumama ang 4.9-magnitude na lindol na may epicenter 49 kilometro southwest ng San Antonio, Zambales, na may lalim na 21 kilometro.

Sinabi ng Phivolcs na bahagyang naramdaman ang Intensity II sa Quezon City.

Wala namang inaasahang aftershock kasunod nito.

Samantala, niyanig ng magnitude 5.0 na lindol ang southeast Governor Generoso, Davao Oriental nitong Sabado ng umaga batay sa ulat ng Phivolcs.

Nauna nang inihayag ng ahensya ang magnitude 5.2 sa lugar.

Naitala ang tectonic na lindol kaninang alas-12:11 ng madaling araw na may lalim na 39 kilometro.

Inihayag ng ahensya na walang pinsala subalit binalaan ang publiko na maaaring magkaroon ng aftershocks. RNT/SA