Ilang magulang, napailing sa mga mali-maling libro ng K to 12

Ilang magulang, napailing sa mga mali-maling libro ng K to 12

August 4, 2018 @ 4:08 PM 5 years ago


Manila, Philippines – Viral ang isang Facebook post kaugnay sa ilang mga libro para sa K to 12 curriculum na may mga typographical error o ‘yung may mga mali ang spelling at ang mas malala pa ay may mali ring mga impormasyon.

Dahil dito, nangangamba ang ilang mga magulang na makaapekto ito sa pag-aaral ng mga estudyante o sa pagtuturo ng mga guro.

Sa post makikita ang ilang mga libro ng iba’t ibang subject sa Grade 1 hanggang Grade 7, na may mga salitang mali ang baybay.

Gaya ng ‘Banana Rice Tereces’ na dapat sana ay ‘Banaue Rice Terraces”.

Pero ang mas malupit pa dito ay isa sa mga textbook ang nagsabing makikita sa ‘Ilocos Region’ ang Hagdan-Hagdang Palayan (Banaue Rice Terraces).

Ang naturang rice terraces na tinawag ding ‘Eighth Wonder of the World’ ay matatagpuan sa Ifugao na parte ng Cordillera Administrative Region (CAR).

Mayroon ding mga litrato ng textbook kung saan ay inilalarawan na ‘maliit at maiitim’ ang mga katutubo mula sa Cordillera.

Sa mga komento, sinabi ng nag-post na si Anthony Comedia na isa sa mga manunulat ng libro ang lumapit sa kanya at ipinaliwanag na lumang edisyon na ito.

Bagama’t nalinaw na dumaan na sa rebisyon ito, para sa nag-post nakababahala rin na tila nakalampas ito sa proseso ng proofreading.

Umaasa ang mga magulang na agad itong aaksiyunan ng Department of Education para sa mas malinaw at tamang libro at materyales para sa mga estudyante. (Remate News Team)