Ilang media personnel ipatatawag ng korte kaugnay sa Kerwin Espinosa case

Ilang media personnel ipatatawag ng korte kaugnay sa Kerwin Espinosa case

June 22, 2018 @ 2:59 PM 4 years ago


Manila, Philippines – Ilang mga media practitioner ang ipatatawag ng korte na posibleng nakapagbigay ng impormasyon o linaw sa kasong kinahaharap ni Kerwin Espinosa.

Sinabi ni Judge Silvino Pampilo Jr ng Manila Regional Trial Court Branch 26 na ang mga nakasama sa operasyon ng pulisya noong July 28, 2016 lang ang ipapatawag.

Ngayong umaga ay humarap sa sala ni Judge Pampilo sina PO3 Neil Matugas Radin ng Ozamiz City PNP at PO2 Winifredo Guiron ng Leyte PNP.

Ang dalawang pulis ang nagsagawa ng buy-bust operation na nagresulta sa pagkakadakip sa testigong si Marcelo Adorco.

Si Judge Pampilo ang nagsasagawa ng marathon hearing sa test case on war on drugs ng administrasyong Duterte laban sa mga sangkot sa pagpapakalat ng bawal na droga sa bansa.

Inilahad naman sa korte sa ginawang direct examination ni PO3 Radin ang naganap noong July 28, 2016 kung kelan nila nadakip si Adorco na nakumpiskahan ng isang kalibre 45, mga bala at isang plastic ng bawal na droga.

Ang pagiging poseur buyer ng shabu naman ni PO2 Guiron ang kanyang inilahad sa korte nang magkabentahan sila ng suspek na si Jose Antipuesto sa isang basketball court sa Sitio Tinago, Barangay Aburo, Baybay, Leyte, malapit sa bahay ni Kerwin Espinosa.

Inamin naman ni PO3 Radin sa cross examination ng abogado ni Espinosa na si Atty.Jesus Obejero Jr na  wala siyang katunayan na galing kay Espinosa ang shabu na binebenta ng grupo ni Antipuesto.

Sinabi rin ng dalawang pulis na dumaan sa  tamang proseso ang naganap na buy-bust kasama na rito ang pagsasagawa ng inventory kaharap ang mga miyembro ng local na media sa lalawigan matapos ang buy-bust operation. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)